Home>News>Nation>Walang dahilan para ibasura ng Senado pagbuo sa DDR

Walang dahilan para ibasura ng Senado pagbuo sa DDR

WALANG dahilan para ibasura ng Senado ang kahilingan ni Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte na ipasa ng Kongreso ang panukalang batas sa pagbuo ng Department of Disaster Resilience (DDR) na inisyal na mangangailangan ng P2 bilyong pondo kung makakapaglaan naman ito ng P10 bilyon para sa konstruksiyon ng sariling gusali sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City, ayon sa isang lider ng Kamara de Representantes.

Sinabi ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, pangunahing awtor ng DDR, na dapat ikonsidera nina Sens. Richard Gordon at Panfilo “Ping” Lacson ang kanilang pagtutol sa gitna ng patuloy na kamatayan ng mga Filipino dahil sa mga kalamidad.

“Well, gastos din pala ‘yung paglipat sa BGC, unahin na nila ‘yun. Napakasimple lang naman ang sinasabi ko, unahin muna ‘yung P10 billion na paglipat sa BGC,” ani Salceda, chairman ng House committee on ways and means, sa panayam ng dzBB.

“Napakasimple lang naman ang argumento d’yan eh, kanya-kanya tayong priorities, ano ba ang prayoridad mo?,” pahayag ni Salceda, vice chairperson ng House committee on appropriations.

Kabilang ang DDR sa binanggit ni Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa mahahalagang panukalang batas kaya naman agaran itong ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes sa ilalim ng pamumuno ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte, agarang ipinasa ng liderato ni Cayetano ang DDR upang mapalakas ng bansa ang laban nito sa mga kalamidad.

“Ang Mayon hindi ko mailipat ng Masbate, ang mga bagyo hindi ko mailipat ng Japan, ang mga paglindol hindi ko mailipat mula sa Mindanao papunta kung saan. Sympre mga permanente na ito dahil sa lokasyon ng Pilipinas. Ang permanenteng problema, kailangan ng permanenteng solusyon,” paliwanag ni Salceda.

“Eh maraming mamamatay sa gusto ng Senado, ‘yun ang gusto kong sagutin nila. Ibig sabihin parang sinasabi nila inevitable, eh samantalang ang karamihan po ng namamatay dahil sa sakuna ay preventable kung meron tayong institutsyon para ayusin yan para ihanda ang mga tao, ang mga komunidad at lokal government,” giit ni Salceda.

“Ibig sabihin parang surrender tayo ok lang may sampung mamamatay, basta sampo lang, anong klaseng logic ‘yun?” Tanong nito.

Publication Source :    People's Journal