Home>News>Nation>Walang trabaho, kamatayan iniregalo

Walang trabaho, kamatayan iniregalo

Amang binigti 2 anak nitong Pasko kakasuhan!

SASAMPAHAN ng kasong two counts of parricide ang isang ama matapos nitong regaluhan ng kamatayan sa pamamagitang ng pagbibigti ang dalawang menor de edad na anak dahil sa umano’y labis na pagka-aburido nito sa buhay nang magpatiwakal ang kanyang misis bago magpasko sa Taguig City.

Kinilala ang suspect na si Aiko Siacunco , 29, residente ng Bgy. North Signal, Taguig City.

Ayon kay Police Colonel Celso Rodriguez, hepe ng Taguig City Police, ang suspect ay nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic at dumaranas ng depression dahil sa hirap ng buhay.

Napag-alaman na bago mag-noche Buena ay nagpatiwakal naman ang kanyang maybahay na labis na nagdulot sa kanya ng kalungkutan.

Sa halip na dumalo sa burol ng asawa ay ibinigti umano ng suspect ang kanyang tatlong taong gulang na anak na babae at isang taong gulang na anak na lalaki.

Matapos ang insidente ay sumuko sa mga alagad ng batas ang suspect.

Ayon sa ulat, tinangka din ng suspect na kitlin ang kanyang buhay subalit nabigo ito kung kaya’t sumuko na lamang ito sa mga alagad ng batas.

Isasailalim naman sa psychological, psychiatric evaluation at drug test ang suspect.

Publication Source :    People's Tonight
Zaida I. Delos Reyes
Native of Pampanga, resident of SJDM, Bulacan