Ginahasa, pinaso, binenta sa Arabo

October 10, 2019

Ito ang ilan lamang sa naranasan ng mga Pinay na biktima ng human trafficking sa United Arab Emirates (UAE) na karamihan ay nananatili pa rin sa naturang bansa at naghihintay ng tulong na mapauwi pabalik sa PIlipinas..

Kahapon ay walong kababaihan na domestic helpers at asawa ng isang kasambahay sa UAE ang humarap sa mga mamamahayag upang isiwalat ang naranasan nilang kalupitan sa kamay ng kani-kanilang mga amo at sa mismo nilang ahente na nakabase sa naturang bansa.

Kabilang sa mga humarap ang asawa ni Gina Gonzales na dumaranas ng paghihirap makaraang mabuhusan ng kumukulong tsaa ang halos buo niyang katawan. Bukod sa hindi kaagad ipinagamot ng amo, isinalang agad sa pagtatrabaho ang ginang kahit hindi pa gumagaling ang tinamong pinsala sa katawan.

Isa naman ang ilang ulit na ibinenta ng kanyang ahente sa ibang ahensiya matapos kunin ang lahat ng kanyang sinahod bilang domestic helper matapos niyang tumangging pumasok bilang prostitute o sex worker.

Halos lahat ng mga kababaihang nakauwi pabalik ng bansa sa tulong ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Embahada ng Pilipinas sa UAE ay pawang biktima ng illegal recruiters habang mahigit pa anila sa 14,000 ang nananatili sa naturang bansa na nagnanais na ring makauwi.

Ayon sa mga nabiktima, kasabuwat ng mga illegal recruiter ang ilang tiwaling tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport na nagsisilbing escort upang makaalis sila gamit ang tourist visa patungong UAE.

Sa naturang paliparan aniya sila pinasasakay ng eroplano ng mga illegal recruiters dahil naroon ang halos lahat ng kanilang mga kasabuwat na tauhan ng BI na hanggang ngayon ay namamayagpag pa rin sa ilegal na gawain.

Nanawagan naman ang grupo ng Coalition of Licensed Agencies of Domestic and Service Workers at ang Overseas Placement Association of the Philippines (CLADS-OPAP) sa pamahalaan na simulan ang pagsisiyasat sa bansang UAE at tiyak na matutukoy nila kung sino –sino ang mga nasa likod ng sindikato ng illegal recruitment pati na ang kasabuwat nilang tauhan ng BI.

Ayon kay Lucita Sermonia, pangulo ng CLADS, kung masasawata lamang ang illegal recruitment at mga kasabuwat nila sa BI, mapipilitan ang UAE Ministry of Human Resource na sumang-ayon sa kagustuhan ng Department of Labor and Employment sa mga inilatag na panuntunan para sa pagre-recruit ng mga Pinay domestic helpers.