OFW sa Kuwait ni-rescue ni Palayan Mayor Cuevas

January 12, 2020

Isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait na hindi pinasusuweldo at minamaltrato ng kanyang among Kuwaiti ang ni-rescue ni Palayan City Mayor Rianne Cuevas.

Nabatid na noong Disyembre ay lumapit at humingi ng tulong sa Alkalde  ang pamilya ng OFW na si Maricar Nievera dahil minamaltrato at hindi pinapasuweldo ng kanyang amo at nagpapasaklolo na tulungan na makauwi ito sa Palayan City.

Agad namang umaksiyon si Mayor Cuevas at inatasan nito ang kanyang Public Employment Service Office (PESO) na gawin ang lahat para matulungan si Nievera upang hindi matulad sa sinapit ni Jeanelyn Villavenda na pinatay ng kanyang amo.

Agad din nakipag-ugnayan si Mayor Cuevas sa tanggapan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Worker Welfare Adminstration (OWWA) at ipinarating ang kalagayan ni Nievera na hindi na nga pinapasuweldo ay hindi pa pinapatulog at hindi pinapatigil sa trabaho hanggang sa magkasakit na ito.

Umaksiyon naman ang  POEA at OWWA kaya nailigtas si Nievera sa kanyang amo pero hindi agad napauwi dahil walang gustong sumagot sa pamasahe nito.

Kaagad namang nag-alok si Mayor Cuevas na babayaran ang pamasahe ni Nievera para makauwi agad pero napwersa din ng POEA at ang agency nito na sagutin na lang ang pamsahe ng OFW pabalik ng Pinas.

Makalipas ang tatlong linggo ay nakauwi na noong Biyernes sa kanilang tahanan sa Nueva Ecija ang OFW.  
Nangako si Mayor Cuevas na bibigyan na lang ng pangkabuhayan ang pamilya ni Nievera upang makapagsimula ng negosyo.