2 sa 3 puga sa Laguna balik preso

May 28, 2020

KASALUKUYANG pinaghahanap ang isa pang preso sa tatlong pumuga mula sa PNP Jail Facility sa  Calauan, Laguna.

Base sa report ni  Chief Public Information Officer (PIO) PLt. Col. Chitadel Gaoiran kay Acting Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang tumakas na Person Under Police Custody (PUPC) na si Noel Ibareta, nahaharap sa kasong Murder.

Samantala, dalawa sa kasamahan nitong sina Elbert Roxas, na nahaharap sa kasong Rape at Illegal Drugs ang naaresto ni dating Calauan Chief of Police PMaj. Marc Julius Rebanal at ng kanyang mga tauhan kabilang si Marc Spencer Mendoza, nahaharap naman sa kasong Rape.

Sa imbestigasyon, dakong  ala 1:26 a.m. noong Martes ng magtangkang tumakas ang mga suspek matapos magpamasahe kay Ibareta at Mendoza ang nakatalagang Jail Officer na si PStaff Sgt. Erick Yrigan.

Nagawang makatakas ang tatlo habang aktong papasok na ang dalawa sa piitan matapos itulak ng mga ito ang pintuan.  Wala na umanong nagawa si Yrigan kundi ang humingi ng tulong sa kanyang mga kasamahan.

Naiwan sa loob ng piitan ang nasa 15 pang preso.

Lingid umano sa pagkaalam ni Rebanal ang naganap na insidente dahil bago pa lamang aniya itong natutulog sa loob ng kanyang kuwarto.

Sa pamamagitan ng ipinalabas na kautusan ni Petalio at bilang bahagi ng Command Responsibility, inilipat sa kanyang tungkulin bilang Deputy Chief of Police sa bayan ng Sta. Cruz si Rebanal habang si Yrigan ay sinampahan na ng kasong Administratibo at paglabag sa Evasion through Negligence.

Ang paalala naman ni Petalio sa kanyang mga tauhan partikular ang mga nakatalaga sa mga piitan, maging aral na aniya ito sa lahat, huwag samantalahin at gamitin sa pang personal nilang pangangailangan ang mga PUPC.