2 vendor timbog sa droga

November 29, 2018

Arestado ang dalawang lalaking vendor na bagong graduate mula sa programa ng pu-lisya na “Simula ng Pagasa” (SIPAG) sa operasyong isinagawa ng Drug Enforcement Unit (DEU) sa Bgy. II-D, San Pablo City, Laguna, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Chief Insp. Jojo Sabeniano, Public Information Officer ng Laguna Provincial Office, ang mga suspek na sina Roderick Legaspi, 34, at Rocelito Faraon, 37, kapwa residente ng Bgy. II-D San Pablo City.

Pinangunahan ni Chief Insp. Ricky Dalisay, Intel chief, ang buy-bust operation dahil sa muling pagbabalik ng mga suspek sa kanilang pagbebenta ng shabu sa kanilang parokyano.

Dakong 11:35 ng gabi nang isagawa ang anti-illegal drug operation sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency 4A sa Bgy. II-D at nakumpiska ang 11 small heat-sealed transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu.

Ayon sa pulisya, kamakailan lamang, ang mga suspek ay kasama sa graduation ng San Pablo police hinggil sa kanilang programa ng Simula ng Pagasa (SIPAG).

Posibleng dahil sa kakulangan ng kanilang pananalapi ay muling bumalik sa kanilang pagtutulak ang mga suspek.

Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa San Pablo City Jail.