Home>News>Provincial>240 sa 5,208 COVID positive sa free testing sa Batangas

240 sa 5,208 COVID positive sa free testing sa Batangas

BATANGAS Capitol — Umabot sa 240 ang nag-positibo sa 5,208 indibidwal na sumailalim sa apat na araw na libreng aggressive community testing kamakailan sa tatlong itinalagang COVID-19 testing centers sa Batangas.

Sang-ayon ito sa testing status na inilabas ng Batangas Province Inter-Agency Task Force noong ika-7 ng Oktubre, kung saan 1,430 pa ang walang resulta, samantalang 3,538 ang nag-negativo sa swab test.

Ang programang pangkalusugang ito ay isang inisyatibo ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 para sa mga Batangueño, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamumuno ni Gov. DoDo Mandanas, at Batangas Province Inter-Agency Task Force.

Isinagawa ang mass testing sa Don Manuel Lopez Memorial District Hospital sa bayan ng Balayan, sa DREAM Zone, Capitol Compound sa lungsod ng Batangas, at Laurel District Hospital sa lungsod ng Tanauan.

Ayon kay Mandanas, naging prayoridad sa isinagawang testing ang mga lungsod at munisipalidad ng Batangas na may mataas na bilang ng mga COVID-19 positive at suspected cases.

Ayon sa gobernador, inaalagaan ng pamahalaang panlalawigan ang mga miyembro ng National Task Force na gumaganap sa nasabing mga proyekto, kabilang ang lahat ng gastusin sa accommodations, pagkain at iba nilang mga logistical needs.

Pinangunahan naman ng Provincial Health Office (PHO), sa pamamagitan nina PHO Department Head, Dr. Rosvilinda Ozaeta, at Batangas Province IATF Incident Commander, Dr. Gerald Alday, ang koordinasyon at pakikipag-ugnayan sa mga local government units ng lalawigan.

Publication Source :    People's Tonight