291K 4Ps beneficiaries sa CL tumanggap ng emergency subsidy

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga- Humigit kumulang 291,000 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa Gitnang Luzon ang tumanggap ng emergency subsidy alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.

Sa ilalim ng batas, ang Department of Social Welfare and Development ( DSWD) ay naatasan na bumuo ng mga patnubay at pangunahan ang Social Amelioration Program ( SAP).

Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, makakatanggap ang mga benepisyaryo ng 4Ps ng top-up amount na hahatiin sa dalawang tranches bilang karagdagan sa kanilang regular cash grants.

Dahil dito, hindi na sila makakatanggap ng ibang serbisyo o benepisyo mula sa ibang ahensya ng gobyerno sa ilalim ng SAP.

Kamakailan lang, nagdeklara ang DSWD ng “force majeure” sa pagpapatupad ng 4Ps para sa buwan ng Pebrero at Marso na kalauna'y pinahaba hanggang sa buwan ng Abril at Mayo.

Kaya naman bukod sa mga regular cash grant para sa buwan ng Abril at Mayo na 750 piso para sa health at 600 piso para sa rice subsidies, ang bawat sambahayan ay makakatanggap ng emergency subsidy na nagkakahalaga ng 5,150 piso kada buwan.

Paliwanag ni Maristela, ang halaga na kanilang matatanggap ay ibinase sa minimum wage ng rehiyon na tinatayang kinakailangan na halaga upang makabili ng pagkain, gamot at hygiene essentials.