Home>News>Provincial>3 kawani nangulimbat sa sariling kompanya

3 kawani nangulimbat sa sariling kompanya

SINIRA ng tatlong kawani ng isang kompanya ang tiwala sa kanila ng tagapamahala matapos mahuli sa aktong naglalabas ng mga materyales Biyernes ng hapon sa Valenzuela City.

Dating maluwag ang mga ipinaiiral na patakaran ni Christine Joyce Sampang, operation manager at vice president ng Powertrunking System Inc., isang electrical fabricator na may tanggapan sa 294 Mac Arthur Highway, Dalandatan subalit napuna niya ang kadalasang pagkukulang ng kanilang mga materyales kaya’t nagpatupad ng biglaang paghihigpit nito lamang araw ng Biyernes, matapos makatanggap ng impormasyon na kinukulimbat ng ilang kawani ang mga gamit.

Hindi ipinabatid ni Sampang sa mga kawani ang bagong patakaran kaya’t nang oras na ng uwian ng mga empleyado dakong alas-4:30 ng hapon, nagulat na lamang si Ralph Gatdula, 30, bushbarring technician, at iba pang kawani na nakatakda na ring umuwi, nang iutos ng security guard na buksan muna ang dalang bag bago lumabas ng compound sa harap mismo ng kanilang manager na si Sampang.

Dito na tumambad sa paningin ng guwardiya at ni Sampang ang 12 piraso ng copper bush bar tin plated na kanyang kinulimbat sa kompanya.

Hindi na rin makaalis sa pila sina Ronel Ebarle, 26, bushbarring specialist at pinsan niyang si John Mark Abugho, 25 technician, na pangalawa at pangatlo sa pila ng mga uuwi ng kawani kaya’t bago pa man suriin ang kanilang dalang bag, inamin na ng dalawa na mayroon din silang gamit na tinangay na pag-aari ng kompanya.

Sa kabuuang, umaabot sa halagang P19,433.20 ang mga nabawing kagamitan na tinangay ng tatlong kawani na ngayon ay nahaharap sa kasong qualified theft.

Publication Source :    People's Tonight