3 tustado sa sunog sa Gapo

November 13, 2019

OLONGAPO CITY- Tatlong miyembro ng pamilya ang nasawi maka-raang makulong sa nasunog na bodega sa lungsod na ito kahapon ng umaga.

Kinilala ng awtoridad ang mga nasawi na sina Aira Panganiban, Mariano Panganiban at Ricardo Panganiban ngunit hindi nabanggit ang edad.

Sa paunang ulat, nasunog ang apat-na-palapag na Nida’s Auto Supply sa kahabaan ng Rizal Avenue kung saan ay sinabing natulog ang mag-anak.

Dahil sa kapal ng usok sanhi ng mga nasusunog na gulong at iba pang panindang kemikal gamit sa sasakyan, nakulong ang tatlong miyembro ng pamilya sa isang silid sa ikaapat na palapag kung saan sila natagpuang wala nang buhay.

Ayon pa sa ulat, nabigo ang mag-anak na buksan ang fire exit na gawa ng bakal na rehas kung kaya hindi na nakalabas ng kanilang kwarto ang mga biktima.

Inaalam pa ng otoridad ang sanhi at halaga ng napinsala.