Home>News>Provincial>300 taga-Orion benepisyaryo ng DSWD cash-for-work program

300 taga-Orion benepisyaryo ng DSWD cash-for-work program

ORION, Bataan — Pinangunahan ni Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista ang pamamahagi ng ayudang pinansyal sa may 300 benepisyaryo ng Risk and Resiliency Program for Climate Change Adaptation and Mitigation-Disaster Risk Reduction o RRP CCAM-DRR.

Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, bahagi ito ng 6th wave ng RRP CCAM-DRR sa pamamagitan ng Cash-for-Work Program sa Gitnang Luzon.

Layunin nito na mabigyan ng ayudang pinansyal ang mga pamilyang naapektuhan ng pandemya sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa mga proyekto na may kaugnayan sa pagtugon sa climate change at pagpigil sa mga posibleng problema na kakabit nito.

Kabilang sa mga proyektong isinagawa sa ilalim ng RRP CCAM-DRR mula Setyembre 21 hanggang Oktubre 2 ang mangrove reforestation, pagtatatag ng nursery at tree growing.

Paliwanag ni Maristela, ito ang nakitang mabisang solusyon upang tumugon sa nagbabagong panahon dahil ang mga benepisyaryo ay nasa coastal area.

Maaari kasing protektahan ng mangrove o bakawan at puno ang mga baybayin mula sa pagkasira dulot ng bagyo, tsunami, mga alon, erosion at pagbaha.

Publication Source :    People's Tonight