4 estudyante nambato, nanira sa Laguna church

September 05, 2019

Nakatakdang imbitahan ng awtoridad ang mga kabataang estudyante na nambato at nangwasak sa kagamitan ng San Joaquin Parish Church  sa bayan ng Liliw, Laguna.

Ayon kay Calumpang Liliw Bgy. Chairman Raymond Arnuco, ang mga suspek na  kabataan ay tinatayang nasa edad na 16 pababa.

Lumilitaw na naganap ang naturang insidente alas 12 kahapon ng madaling araw habang mahimbing na natutulog sa loob ang caretaker nitong si Tania Arvis na ayaw magbigay ng kanyang pahayag.

Una rito, sinasabing naaresto na ang mga estudyante ng miyembro ng bgy. tanod isang araw bago pa naganap ang ginawang pambababoy ng mga ito sa Simbahang Katolika dahil sa paglabag sa ipinatutupad na curfew hours.

Sumailalim ang mga ito sa community service sa loob ng apat na oras bago pa ang mga ito pinalaya bilang kaukulang kaparusahan sa mga lalabag sa batas, ngunit hindi umano inaasahang gagawa muli ang mga ito ng panibagong kaso.

Dahil dito, hindi inaalis ng pulisya at ni Arnuco na posibleng nasa ilalim ang mga ito sa espiritu ng ipinagbabawal na droga.

Kaugnay nito, nakatakdang ipatawag ni Arnuco ang mga magulang ng apat na kabataang lalaki para agarang masolusyunan ang hindi kanais-nais na inaasal ng mga ito sa lugar.

Bukod dito, sinabi ng mga deboto at isang opisyal ng simbahan na si Doris Suilan na nakapanlulumo at hindi aniya inaasahan na magagawa ito ng mga kabataan sa halip na igalang ang lugar na ito bilang tahanan ng Diyos.

Ipapaubaya na lamang aniya ng mga ito sa Panginoong Diyos at ang pagtitirik ng kandila kaugnay ng kanilang mga ginawa.

Samantala, nananatili at ayaw magbigay ng kanilang pahayag ang nakatalagang Kura Paroko maging ang iba pang caretaker nito dahil umano sa matinding takot.