4 tigok, 2 ligtas sa lambanog

December 05, 2018

Apat na magkakaibi-gan ang magkakasunod na namatay matapos umanong uminom ng lambanog habang dalawa sa kanila ay nakaligtas sa Bgy. Pooc, Sta. Rosa City, Laguna.

Sa ulat, kinilala ang nasawing mga biktima na sina Severino Callos, 62, Herminio Caramay, 65, Gonzalo La Torre, 50, at Roy Basbas, 54, pawang residente ng Sta. Rosa.

Samantala, nakaligtas naman ang dalawa pa sa kanilang kasamahan na sina Robert Cruz, 48, at Antonio Heremias, 51.

Dakong alas-5 nu’ng nakaraang Linggo ng hapon nang magkasamang mag-inuman ang anim na magkakaibigan malapit sa isang tindahan at doon bumili ang mga ito ng lambanog na may tatak na “Bossing Pure Lambanog- Tumador” ay inilagay sa isang plastic na botelya.

Ayon sa report ma-karaan ang mahigit na pitong oras kinabukasan ng umaga na magkakasunod na sumakit ang kanilang tiyan, nagsuka, matinding nahilo at nanlalabo ang mga mata.

Naisugod pa sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Basbas ngunit binawian din ito ng buhay makalipas ang mahigit na apat na oras habang ang tatlo pa ay hindi na naisugod sa pagamutan.

Ayon naman sa isinagawang salaysay ni Cruz, minabuti pa aniya nitong uminom ng tinunaw na asukal kesa magpadala pa sa pagamutan matapos ang matinding pagsakit ng kanyang tiyan habang si Heremias ay agarang nalapatan ng lunas.

Nakatakda namang paimbestigahan ni Bgy. Kagawad Armando Catindig, chairman ng committee on peace and order, ang naganap na insidente kasunod ang pagbabawal sa mga tinda-han ng pag-angkat at pagbebenta ng lambanog.