5-anyos ginilitan, sinaksak ng screw driver!

May 20, 2019

MASAYANG naglalaro si Redelyn Sumague, 5, malapit sa pinaglalabhan ng kanyang ina nang bigla siyang hablutin ng lalaking adik. Ilang sandali lamang ay parang manok na ginilitan ang bata ng suspek. Habang nangingisay ang biktima ay sinaksak pa ito ng screw driver.

Pagkatapos ay isinilid ng suspek ang bangkay ng biktima sa orange na eco-bag na natagpuan sa Sitio 1, Bgy. Patimbao, Sta Cruz, Laguna, Linggo ng gabi.

Sa ulat na ipinadala ni Police Lt. Col. Arnel Agbuya, hepe ng Sta Cruz Police kay Laguna Police Provincial Director Col. Eleazar Matta napag-alamang ang biktima ay residente ng Bgy. Patimbao, Sta Cruz, Laguna.

Ang biktima na unang iniulat na nawawala ay anak ng isang labandera.
Si Sumague ay naglalaro sa hindi kalayuan sa pinaglalabhan ng kanyang nanay nang bigla itong mawala.
Ang bangkay ay natagpuan 9 p.m. ng Linggo.

Kinilala ni Police Col. Matta ang suspek na si Glenn Ford Daracan Manzanero, 30, binata walang hanapbuhay at residente ng  Bgy. Patimbao.

Ayon sa pulisya, si Manzanero ay dating surenderee dahil sa paggamit nito ng iligal na droga, subalit ng malakabas ay muling bumalik sa paggamit ng droga.

Nadiskubre lamang ang batang biktima ng ipinagtapat ng bangag na suspek  sa isang kaanak na may pinatay siyang bata saka isinilid sa malaking Eco Bag na iniwan sa isang bahay.

Hinihinalang pinagtripan ng suspek na bangag sa shabu ang bata.
Hindi makausap ng matino si Manzanero ng arestuhin ng pulisya samantalang isailalim pa sa imbestigasyon kung ang bata ay pinagsamantalahan.