5,601 CL pamilyang walang ayuda tumanggap ng ESP

SAN FERNANDO CITY, Pampanga,-- May 5,601 mahihirap na pamilya na “left-out” o hindi nakasama na mabigyan sa unang tranche ang tumanggap ng ayuda sa ilalim ng Emergency Subsidy Program o ESP ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, kabilang sila sa mga inapela ng mga lokal na pamahalaan na isinailalim sa masusing pagsusuri ng ahensya.

Sa numerong iyan, 1,063 pamilya ang mula sa Bataan; 1,939 mula Bulacan; 164 mula Nueva Ecija; 1,382 mula Pampanga; at 1,053 mula Tarlac.

May kabuuang 36,406,500 piso ang naipagkaloob sa mga naturang benepisyaryo kung saan bawat pamilya ay nakakuha ng 6,500 piso.

Tatlong lebel ng pagsusuri ang pinagdaanan bago tuluyang aprubahan ng ahensya ang mga pamilyang inihabol na mabigyan ng ESP.

Una na riyan ang listahan na mula sa pamahalaang lungsod o bayan kung saan tinukoy ng City/Municipal Social Welfare and Development Office o C/MSWDO kung sinu-sinong pamilya ang pinaka-naapektuhan ng mga ipinatupad na community quarantine.

Mula rito, ang inirerekomendang listahan ng C/MSWDO ay susuriin ng DSWD Regional Office upang makita kung may duplikasyon o nakatanggap na ng iba pang ayuda sa ibang ahensya ng pamahalaan.

Binigyang diin ni Maristela na ang ESP ay isa lamang sa maraming uri ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program o SAP na ipinagkakaloob alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.

Hindi aniya maaring makatanggap ng ESP ang nakatanggap na ng iba pang uri ng ayuda sa ilalim ng SAP gaya halimbawa ng mula sa Department of Agriculture, Department of Labor and Employment at Department of Finance-Social Security System.

Kaya’t mula DSWD Regional Office, iaakyat ang nasuri na listahan sa Central Office upang muling masuri at tuluyang maaprubahan.

Inuunang pagkalooban ng DSWD ang mga karagdagang benepisyaryo na nabibilang sa mga barangay na Geographically Isolated and Depressed Area na batay sa pamantayan ng ahensya ay malayo sa mga logistic at remittance centers.

Humigit kumulang 481,598 “left-out” families sa Gitnang Luzon ang inaasahang makakatanggap ng naturang tulong.