₱72M cash aid ng Batangas sa mga barangay

Sa patuloy na pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa krisis na dala ng Coronavirus Disease (COVID-19,) muling magbibigay ng tulong pinansyal ang Kapitolyo para sa 1,078 na barangay na may kabuuang halaga na ₱72 milyon sa Lunes, ika-6 ng Abril.

Ang nasabing assistance ay bahagi pa rin ng isinasagawang serye ng pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan panlalawigan sa lahat ng barangay sa probinsya upang magkaroon ang mga ito ng karagdagang pambili ng mga pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan na ihahatid naman sa mga pamilyang higit na nangangailangan ng tulong sa panahong ito.

Ang kabuuang ₱72 milyon ay mula sa pondo ng Batangas, sa ilalim ng tinatawag na Provincial Assistance Program Against COVID-19 na inisyatibo ni Governor DoDo Mandanas, at buong pagkakaisang inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan.

Bukod pa ito sa inaasahang tulong na manggagaling sa pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng social amelioration program, sang-ayon sa Bayanihan to Heal as One Act.

Ang mga barangay officials na ang direktang maghahatid ng tulong pinansyal sa kani-kanilang mga kababayan.

Sa pinalabas na iskedyul ng PACD, ipagkakaloob ang financial assistance sa mga taga-Unang Distrito ng lalawigan mula 8 a.m. hanggang 9 a.m.; 3rd District sa 9a.m. hanggang 10 ; 4th District at Lungsod ng Lipa (6th District) sa 10 a.m; hanggang 11 a.m.; at, 2nd District at Lungsod ng Batangas (5th District) sa 11a.m. hanggang 12:30 p.m.

Naging magkakatuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office, mga barangay officials at barangay health workers sa pagkilala at pagpili ng mga pamilyang pinaka-nangangailangan ng mga nasabing suporta, partikular ang mga pansamantalang nawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

Matatandaan na unang isinagawa ang pamamahagi ng ayuda para sa lahat ng barangay noong ika-26 ng Marso na isinagawa mismo sa Kapitolyo na may kabuuang halaga na ₱21.5 milyon.