Home>News>Provincial>8 dedo sa N. Cotobato ‘massacre’

8 dedo sa N. Cotobato ‘massacre’

WALO ang patay habang isa ang malubhang nasugatan sa pamamaril ng hindi pa nakikilalang suspects sa mga nagdaraang motorista sa bahagi ng USM compound, Poblacion, Kabacan , North Cotobato, Sabado ng tanghali.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Police Lt. Colonel Lino D. Capellan, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 12.

Kinilala ni Capellan ang mga nasawi na sina Kors Salilangan, Sandigan Zailon, Benladin Dimanalao, Romeo Balatamay, Katindig Kagayawon, Fahad Mandigan, all of Kabacan, North Cotabato; Budsal Lipusan of Datu Odin Sinsuat, Maguindanao; at Musaid Jaiden ng Midsayap, North Cotabato.

Isinugod naman sa pagamutan ang nasugatang si Tong Guiman, residente ng Bgy. Aringay, Kabacan.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 12:10 ng tanghali sa USM Compound, Poblacion, Kabacan.

Ayon sa ulat, ang mga biktima ay lulan ng iba’t ibang motorsiklo at nagdaraan sa naturang lugar nang bigla na lamang silang parahin ng mga suspects.

Pinababa umano ang mga biktima sa kanilang mga motorsiklo at sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang silang pinaulanan ng bala.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspect habang isinugod naman sa pagamutan ang mga biktima subalit walo sa kanila ang binawian ng buhay.

Bilang tugon sa insidente agad namang nagpalabas ang hepe ng Kabacan Municipal Police Station ng flash alarm sa katabing police station at iniutos ang pagsasagawa ng hot pursuit operation laban sa mga suspects.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.

Publication Source :    People's Tonight
Zaida I. Delos Reyes
Native of Pampanga, resident of SJDM, Bulacan