Home>News>Provincial>Antipolo LGU, magbibigay ng P100K pabuya vs killer ng OPSS personnel

Antipolo LGU, magbibigay ng P100K pabuya vs killer ng OPSS personnel

NAGLAAN ng P100,000 pabuya ang Antipolo City Government sa kung sino man ang makakapagbigay ng impormasyon sa pumatay sa isang kawani ng Office of Public Safety and Security (OPSS). Dead-on-the-spot si Roman D. Capulong, 39 taong gulang, matapos barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang lalaki noong alas-7 ng umaga ng Oktubre 4, 2020 sa Phase 48, Bagong Nayon II, Barangay Dela Paz.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagmamaneho ang biktima nang bigla na lamang umano sumulpot ang isang lalaking naka-motor at binaril si Capulong. Ayon sa mga saksi, nakasuot ito ng helmet at itim na jacket.

Ipinaabot ni City Mayor Andrea Ynares ang pakikiramay sa mga naulila ni Capulong kasabay nito ay nagpahayag ang punong lungsod na gagawin ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng nasabing kawani.

Naka-assign si Capulong bilang Team Leader ng City Ordinance Enforcement Division (COOED) – OPSS, Anti-illegal Vending Section.

Kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang motibo ng pagpatay sa biktima.