Bangkay nahukay sa bundok

March 05, 2019

ISANG bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang nahukay sa masukal na bahagi ng kabundukan ng Bgy. Layasin,  Cavinti, Laguna kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni Senior  Inspector Abelardo Jarabero, hepe ng Cavinti police, kay Laguna Provincial Director Col. Eleazar Matta, lumilitaw na mahigit tatlong kilometro ang layo  sa kabayanan kung saan ibinaon ng hindi pa nalalamang bilang ng mga suspek ang biktima.

Kasama ni Jarabero ang kagawad ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at pamunuan ng barangay dakong alas 3:25 ng hapon kasunod ang isinagawang paghuhukay ng mga ito.

Halos dalawang metro ang lalim ng lumitaw ang naaagnas na bangkay ng lalaki na ibinaong nakadapa.

May tali ng belt ang kanyang paa at kamay, kung saan may palatandaan na pinahirapan ito bago binusalan at binalutan ng tatlong piraso ng plastic bag ang mukha para hindi makahinga hanggang sa ito ay bawian nang buhay.

Tinatayang nasa edad 35 pataas ang biktima, nakasuot ng kulay itim na garterized shorts, sando, brief, may singsing sa kaliwang daliri at tinatayang may taas na 5’2.