Bata,8, tiyuhin dedo sa hambalos ng hollow block

 PATAY ang isang walong-anyos na batang babae at tiyuhin nito habang nasa kritikal namang kalagayan ang kanyang lola matapos na  hambalusin ng hollow blocks at pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang suspect sa loob ng kanilang tahanan nitong Lunes sa Bgy. Maly, San Mateo, Rizal.

Kinilala ni San Mateo Municipal Police Station (SMPS) Chief of Police Lt. Colonel Jaycon Ramos ang mga nasawi na sina Christine Grace Caguioa Arias, 8, at tiyuhin nitong si  Eduardo Caguioa Masigla, 58.

Nanatili naman sa kritikal na kalagayan sa Ynares Hospital si Lola Luningning  Caguioa McDonald.

Ayon sa ulat ng pulisya  dakong 9 a.m. nang matagpuan ng isang kaanak na manghihiram lang sana ng bike  ang  duguang katawan ng mga biktima  sa  loob ng kanilang bahay sa Marang street, Bgy, Maly.

Ang insidente ay naiulat na sa pulisya dakong alas 11 a.m.

Isinugod sa pagamutan ang mga biktima subalit hindi na umabot ng buhay ang bata habang nasawi habang ginagamot ang tiyuhin nito.

Sinabi ng San Mateo Police na lumabas na walang senyales ng puwersahang pagpasok sa loob ng bahay ng mga biktima.

Inimbitahan din sa himpilan ng pulisya ang siyam na itinuturing na persons of interest sa nasabing kaso na kinabibilangan ng mga umuupang kalalakihan mula sa pagawaan ng siomai wrapper sa loob ng compound gayundin ang pamangkin ni Eduardo na umano’y nakaalitan nito kamakailan.

Subalit matapos ang interogasyon ng pulisya ay pinauwi na rin ang mga ito dahil wala namang makakpagturong saksi hinggil sa pagkakasangkot ng mga ito sa krimen.

Gayunman  malaki ang hinala ng pulisya na posibleng kakilala ng mga biktima ang mga suspect na pinaniniwalaang hindi bababa sa dalawang tao dahil sa dami ng alagang aso ng mga biktima ay hindi man lang nagkahulan ang mga ito ng maganap ang pangyayari.

Wala din umanong Nawala sa loob ng bahay ng mga biktima at wala ring forcible entry sa pagpasok ng mga salarin.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.  May kasamang ulat ni Gil Aman