Home>News>Provincial>Batangas kailangan pa ng COVID frontliners

Batangas kailangan pa ng COVID frontliners

KAILANGAN ng Batangas ng sapat na bilang ng medical frontliners na tutugon sa tungkulin para labanan ang krisis na dulot ng pandemya.

Ito ang direktiba ni Batangas Governor DoDo Mandanas sa isinagawang virtual pulong ng Batangas Inter-Agency Task Force on COVID-19 noong ika-12 ng Oktubre 2020.

Pangunahing pangangailangan ngayon ang mga medical personnel, kabilang ang mga doktor, nurses at laboratory technicians, upang magkaroon ng “personnel augmentation” o karagdagang staff sa lahat ng mga provincial at district hospitals at local health units ng mga lokal na pamahalaan sa buong lalawigan, ani Mandanas.

Dahil sa malaking bilang ng mga indibidwal na sumailalim sa RT-PCR testing, mas nakita ang pangangailangan ng COVID-19 swab personnel at laboratory specimen professionals upang mabilisang ma-proseso ang isinasagawang tests.

Makakatulong sa kampanya ng Batangas Province kontra COVID-19 ang mahigit 300 na bagong talagang contact tracers na sinanay ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH) at Philippine National Police (PNP).

Magsisimula na ang kanilang tungkulin ngayong Oktubre hanggang Disyembre.

Bukod sa pagpapagawa ng mga karagdagang mga kuwarto sa mga district hospitals upang magamit na isolation units, nagbigay rin ng go-signal ang gobernador sa pagbili ng malakihang bilang ng Personal Protective Equipment (PPE), at pagsisimula ng konstruksyon ng Batangas Provincial Hospital sa Bayan ng Calaca, na inaasahan na magtataglay ng modernong laboratoryo at mga pasilidad na tutugon sa iba’t-ibang pangangailanagan medical, hindi lamang sa mga emergency situations at kalamidad, kung hindi pati na rin sa mga krisis tulad ng kasalukuyang pandemya.

Ayon sa report ng lokal na opisyal ng DOH, ang Batangas noong October 21, ay may kumpirmadong 8,784 na kaso ng COVID-19, 1,804 aktibong kaso, 6,750 ang nakarekober, at may naitalang 230 pumanaw.

Publication Source :    People's Tonight