Cavite mayors nagkakasuhan sa COVID-19 fake news

March 29, 2020

NAKATAKDANG magsampa rin anumang oras si Noveleta Mayor Dino Reyes-Chua ng mga kaso laban kay Cavite City Mayor Bernardo 'Totie' Paredes.

Ang pagsasampahan ng kaso at pagkakagulo ng dalawang alkalde ng magkatabing bayan ay tumawag ng pansin sa ginawa nilang eksena sa gitna ng malaking krisis na kinakaharap ng bansa partikular na ng kanilang lalawigan.

"Isang malaking kahihiyan ito sa aming mga Caviteno, na sa halip na magkaisa at magtulungan sa oras ng krisis ay sila-sila ang nagkakagulo,” pahayag ng isang dating prinsipal ng Cavite City na ngayon ay naninirahan sa bayan ng Noveleta.

Matatandaan na kinasuhan ng Cavite City Government sa pangunguna ni Mayor Paredes sa PNP Regional Anti Cyber Crime Unit (RACU) si Mayor Chua sa di umano'y pagpapakalat nito ng fake news tungkol sa isang pasyente na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon sa reklamo, isang kasulukuyang empleyado ni Paredes ang diumano umamin na siya raw ang creator at dating administrator ng fake account sa social media.

“Kung pagbabatayan ang kanilang reklamo, ang sinasabi nilang admin na gumawa ng fake account ay tauhan nila sa City Hall at isang close-in security ng kanilang pamilya. Bakit niya ibibintang sa akin ito? Dapat siya ang makasuhan dito ,” pahayag ni Chua.

"Dahil sa ginawa nilang pagpaparatang sa akin, natural lamang na ipagtanggol at linisin ko ang aking pangalan." ani Chua "Masyado na kaming abala para sa sarili naming bayan para isisi pa nila sa akin ang kapalpakan nila."

Ilan sa mga kasong nakatakdang isampa ni Chua kay Paredes at mga kasama nito ay perjury at kasong libelo. Samantalang P10-Million naman sa kasong sibil bawat isa.

Samantala, hinanda na din ng abogado ni Mayor Chua na si dating Presidential Spokesman na si Atty. Harry Roque ang pagsagot sa kasong isinampa sa Cavite City Prosecutor’s office.

Sa kabila nito, nanawagan pa rin si Chua kay Paredes sa pamamagitan ng isang video sa social media, na nalulungkot sya sa pangyayari.

"Patawarin mo sila Lunsod ng Cavite, dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa,” pagtatapos ni Chua.