Convention center itatayo sa Dingalan -- Mayor Taay

January 06, 2019

DINGALAN,Aurora -- “Mas mabuti ng may pangarap kaysa umasa sa wala.”

Ito ang pahayag ni Dingalan Mayor Shierwin Taay sa planong pagtatayo ng multi-milyong pisong convention center sa may dalawang ektaryang lupain sa Barangay Davil-Davilan sa bayang ito.

Ayon kay Taay ang itatayong convention center ay isa sa kanyang priority project sa taong 2019 at ito ay nagkakahalaga ng P200 milyon at ang inaasahang pondo ay manggagaling sa  Public and Private Partnership ( PPP).

Naniniwala si Taay na higit na lalakas ang turismo sa Dingalan kapag naitayo ang convention center dahil dito maaaring idaos ang mga malalaking kumperensya at iba pang mga event.

“Bagamat may malalaking convention center ang aming karatig lugar tulad ng Nueva Ecija, Bulacan at Tarlac mas kumpartable naman dito sa amin (Dingalan) dahil sa malinis na dagat at simoy ng hangin,”ani Taay.

Kampante rin ang alkalde na matutupad ang naturang proyekto dahil suportado ito ng ilang mga ahensya ng gobyerno at maging ng ilang pribadong ahensya.

Samantala,Ipinagmalaki rin ni Mayor  Taay na hindi na mararanasan ang brownout sa munisipyo ng Dingalan kahit magpatay-sindi ang serbisyo ng elektrisidad makaraang pailawan na ang solar energy mula sa Solar Philippines kaya 24/7 na ang serbisyo ng kuryente sa kabuuan ng munisipyo ng Dingalan may tatlong buwan na ang nakakaraan.

Bagama’t isang uri lamang ng dry run ang solar power, kampante si mayor Taay na epektibo ang naturang hakbang upang hindi na umasa pa sa suplay ng grid ang buong kabayanan.

“ Kapag naging matagumpay aniya ang dry run ay sisikapin ng kanyang pamunuan na solar power na lamang ang kanilang source ng kuryente sa lugar,”pahayag pa ni Taay Sinabi pa ni Taay na mula ng gumamit sila ng solar energy ay malaki ang natipid nila sa bayarin sa kuryente dahil mula sa P200 monthly electric bill ay halos 50 libong piso na lamang ang kanilang bayarin sa kuryente.