Dalagita, 16, isinako, pinaanod sa kanal

December 05, 2019

KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng isang dalagita na napaulat na nawawala matapos na patayin, isilid sa sako at paanod sa irrigation canal ang bangkay nito ng hindi pa nakikilalang suspect kamakalawa ng umaga sa Banga, South Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Barbie Bernardido Inocencio, 16, grade 10 pupil ng Notre Dame of Banga.

Napag-alaman na ang biktima ay iniulat na nawawala ng kanyang mga kaanak noong December 2, 2019

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame ang bangkay ng biktima na nakasilid sa sako ay natagpuan nang limang kabataan na lumulutang sa irrigation canal ng Bgy. Punong Grande sa naturang lalawigan.

Napansin umano ng mga saksi na tila kakaiba ang laman ng sako kung kayat agad nila itong iniulat sa himpilan ng pulisya.

Agad namang iniahon ng mga alagad ng batas ang sako at doon tumambad ang bangkay ng biktima na naka-uniporme pa.

Duguan ang damit ng biktima at nakagapos pa ang mga kamay nito.

Batay sa ulat, huling nakita ang bata na nagbabantay lamang sa isang bake shop di kalayuan sa kanilang bahay subalit hindi na ito nakauwi pa sa kanilang bahay.