Dinukot na manager ng KAPPA, nakitang sugatan

January 29, 2020

Isang linggo matapos dukutin ng hindi pa nakikilalang suspect, natagpuang sugatan sa Cotabato City ang  Officer in Charge (OIC) manager ng KAPPA–Alabel branch sa General Santos City.

Ang biktima ay nakilalang si  Remely Iral, nasa hustong gulang at residente ng lalawigan.

Ayon sa ulat ng Tupi Police, ang biktima ay  natagpuang naka-posas at may saksak sa  leeg at katawan sa taniman ng pinya  na matatagpuan sa Purok Bagong Silang, Barangay Tupi, South Cotabato.

Napag-alaman na ang biktima ay dinukot ng hindi pa nakikilalang suspect noong January 22, 2020 sa loob ng kanyang bahay sa San Isidro, General Santos City.

Ayon sa biktima, dinala siya ng mga suspect sa plantasyon ng pinya kung saan siya sinaksak  at iniwan dahil sa pag-aakalang wala na siyang buhay.

Sa tabi ng biktima ay nag-iwan pa ang mga suspect ng isang karton na may sulat  na para kay KAPPA founder Pastor Joel Apolinario.

“ JOEL APOLINARIO-Ihinto muna ang panlilinlang at panloloko mo sa taong bayan, lahat  ng opisyal ng  “KAPA” susunod na kayo, sinira nyo ang serbisyo namin, sinira nyo ang kinabukasan namin,” mensahe na nakasulat sa karton.

Nang makaalis ang mga suspect ay agad na humingi ng tulong ang biktima sa mga nagdadaan.

Maswerte namang may nagdaang guwardiya sa lugar at nakakita kay Iral dahilan upang madala ito sa pagamutan.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon  ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.