Home>News>Provincial>End ng coal sa Quezon hiniling

End ng coal sa Quezon hiniling

NAGLABAS ng pahayag ang Diocese of Lucena nitong Lunes na nananawagang kanselahin ang tatlong coal-fired power plant na balak itayo ng SMC Global Power Holdings at Atimonan One Energy (A1E) ng Meralco sa Quezon.

Ang pahayag na pinirmahan ng higit 100 mga pari kasama si Lucena Bishop Mel Rey Uy, ay ipinadala sa SMC, A1E, at mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.

“Nananawagan kami sa mga korporasyong ito at sa mga subsidiariya nila na pakinggan ang tinig ng kalikasan at kanselahin ang planong ipatayo ang mga planta ng enerhiya mula sa coal.

Nananawagan din kami sa ating lokal at pambansang pamahalaan at na pakinggan ang mamamayan at huwag hayaang makapasok pa ang anumang dagdag na coal sa minamahal nating probinsiya,” sabi ng mga pari sa kanilang pahayag.

Kasalukuyang mayroon nang 1,644 MW na coal sa mga munisipalidad sa ilalim ng Diocese of Lucena. Kung maitayo ang tatlong bagong planta, madadagdagan ito ng 3,330 MW pa.
Ginawa ang panawagang ito sa pagsisimula rin ng “Season of Creation”, ang taunang selebrasyon na binubuo ng mga aksyon at panalanging pangkalikasan, lalo na sa usapin ng krisis sa klima.

“Tinututulan namin ang mga coal-fired power plant dahil taliwas ang mga ito sa pangangalagang kailangan ng daigdig, ang nag-iisa nating tahanan. Ang kanselasyon ng mga ito ay makatutulong makapigil sa mga greenhouse gas emission, at magsisilbing pahayag ng pagtanggi sa anumang uri ng hindi sustenable at maruming mga gawain sa Quezon at sa buong bansa,” aniya.

Kasalukuyang bumababa ang pandaigdigang paggamit ng coal dahil sa krisis sa klima, masasamang epekto nito sa kalikasan, at mga peligro ng pamumuhunan sa mga coal project. Samantala, ang

Pilipinas na madalas naaapektuhan ng mga kalamidad dala ng pag-init ng daigdig, ay patuloy pa rin sa pagpaparami ng mga planta ng coal sa bansa.

“Nakikiisa ang Power for People Coalition sa mga komunidad ng Quezon sa kagustuhan nilang iwanan na ang coal, at maasahan nilang patuloy ang pagsuporta namin sa panawagang ito. Hindi dapat maging hadlang ang anumang bagong coal plant sa pagkakaroon ng malinis at murang kuryente para sa mga Pilipino,” sabi ni Gerry Arances, Convenor ng P4P.

Ang grupong P4P, kasama ng mga kinatawan ng simbahan at komunidad sa Quezon, ay nanguna noong Nobyembre 2019 sa pagpepetisyon sa Kagawaran ng Kalikasan at Likas na Yaman (DENR) laban sa proyekto ng A1E.