Ex- Pampanga mayor, security kakasuhan sa pambubugbog

April 29, 2019

NAHAHARAP sa kasong serious physical injuries ang isang dating  alkalde at security nito dahil sa pambubugbog sa supporter ni Sto. Tomas, Pampanga Mayor John Sambo noong Abril 27.

Batay sa police report ng Sto. Tomas Municipal Police Station dumating si dating Mayor Romeo “Ninong” Ronquillo kasama  ang security na si  Jojit Pineda, 29,  dakong alas 10:30 a.m. sa bahay ng biktimang  si Reynaldo Galang, 54, na taga suporta ni incumbent Sto. Tomas, Pampanga Mayor John Sambo.

Laking gulat ni  Galang nang kanyang pagbukas ng pinto ay agad siyang kinuwelyuhan ni Ronquillo at hinila palabas ng bahay.

Dito na siya pinagbubugbog nina Ronquillo at Pineda sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Bagama’t lugmok na, pinagbantaan pa ni Ronquillo ang biktima  na papatayin.

Dinala naman ang biktima sa  Jose Lingad Hospital upang gamutin.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na  may personal na alitan sina Galang at Ronquillo.