Ex-sex bomb dancer huli sa shabu!

November 26, 2018

ISANG dating miyembro ng Sex Bomb dancers at ang kanyang ka-live-in ang inaresto ng pinagsanib na mga tauhan ng  Provincial Intelligence Branch/ Police Drug Enforcement Unit (PIB/PDEU) at Bay police nang makunan sila ng 25 gramo ng pinaghihinalaang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Bgy. Dila, Bay, Laguna noong Linggo ng gabi.

Ang mga naarestong suspek  ay kinilala ni  Laguna Provincial Information Officer, Chief Inspector Jojo Sabeniano, na sina Sheena Joana Uypico, 33, at Elmer Panaligan, 39.

Ayon kay Sabeniano, ang mga suspek ay inaresto dakong alas-8:50 ng gabi habang ang mga operatiba ay nakikipag-transaksyon  sa mga suspek habang nasa kanilang kotseng kulay dilaw na  Honda ESI Sedan (TPT 146).

Ayon kay  Chief Inspector Arlen Abastillas, Bay Police chief, isinagawa ng mga operatiba ang anti-drug operation nang  ang isang  police poseur buyer ay nakipag-transaksyon sa mga suspek sa Bgy. Dila.

Nakakumpiska ang pulisya mula sa mga suspek ng  dalawang itim na coin purse na naglalaman ng 11 pirasong heat sealed transparent plastic sachets na hinihinalang shabu, isang P1,000 buy bust money at P5,000 na hinihinalang mula sa pagbebenta ng droga.

Ang kabuuang 25 gramo na nakumpiska ay tinatayang nagkakahalaga ng P70,000.

Sinabi ni Chief Inspector Sabeniano na ang pagkaka-aresto sa mga suspek ay isang matagumpay na  operasyon kontra droga sa Laguna.