Iba’t- ibang sektor sa Batangas City lumahok sa International Coastal Cleanup

September 28, 2019

BATANGS City — Nakiisa ang Batangas City sa 34th International Coastal Clean Up (ICC) kamakailan, na may temang “Bayanihan para sa Malinis na Karagatan at Katubigan.”

Ang malaking kooperasyon ng lungsod dito ay bunsod na rin ng imbitasyon at panawagan ni Mayor Beverley Dimacuha sa lahat ng sektor ng komunidad na bigyang pansin at maglaan ng personal na oras para sa pagpapanatili ng kalinisan ng baybaying dagat.

Sinimulan ang paglilinis bandang ala-sais ng umaga sa mga coastal areas na pinili ng mga lumahok dito kagaya ng Sitio Itlugan, Bgy. Cuta na napiling linising  lugar ng  city government employees sa pangunguna ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO).

Nakatulong ng mga empleyado ang barangay at Sangguniang Kabataan officials ng Cuta

Pinangunahan ng barangay officials ng coastal barangays ang paglilinis sa mga dalampasigan at baybaying kanilang nasasakupan.  Naglinis naman ng mga kanal, estero at ilang pampublikong kalye ang  barangay officials at residente sa urban at rural barangays.  

Ang mga guro at mag-aaral ay nakiisa rin sa clean up sa pamamagitan ng paglilinis sa kanilang mga silid-aralan, bakuran ng paaralan at pakikilahok sa paglilinis ng barangay. At ang mga industriya at business establishments ay naglinis sa kanilang paligid.

Layunin ng international coastal cleanup na mapanatili ang kalinisan ng mga dalampasigan at mahikayat ang mga mamamayan na pangalagaan ang karagatan kung saan ang isang paraan ay ang pag-iwas sa  pagtatapon ng mga basura dito. With Marie Lualhati. Batangas City PIO