Ilocos Sur SK sagot libreng scan, photocopy

STA. MARIA, Ilocos Sur- Sa munting paraan, nais ng Sangguniang Kabataan (SK) sa bayan ng Sta. Maria, Ilocos Sur na makatulong sa mga estudyante na nagkakaproblema sa kanilang mga requirements sa paaralan lalong-lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Ito ay pinamumunuan ni Kyle Ong, SK Federated President sa bayan na siyang may inisiyatibo sa nasabing proyekto.

“Agad kong tinanong sa mga kasama kong SK Chairperson because some of them who are students, they are still in the middle of complying to the requirements needed sa school since nagkaroon tayo ng ganitong pandemic. Kaya as a chance to help others and also to make others know that we have this kind of service for the students to help them kahit papaano sa pag-a-accomplish ng kanilang requirements,” ikinuwento ni Ong.

Dahil sa COVID-19 pandemic, kanselado lahat ng klase at tambak ang mga requirements gayun din na sumasabak ngayon ang mga estudyante sa virtual learning o online classes.

Ito ang nag-udyok kay Ong upang matulungan ang mga estudyante dahil bilang naging estudyante rin siya noon, alam niya ang hirap ng pagpasa at paggawa ng mga requirements.

“For me po, as a former student, stress is one of my biggest enemies. Syempre, sa hirap ng buhay ngayon hindi naman lahat ay privileged to have everything. Not having means to produce your requirements can cause stress sa mga students. So by having this program, we are also helping not only the student but also their family to be at ease knowing that there’s a program that caters in producing a hardcopy of the requirement they need to pass,” dagdag ni Ong.

Ang bayan ng Sta. Maria ay binubuo 33 barangay na may aktibong SK bawat isa.

Sabi ni Ong ay 80% ng bilang na ito ay may printer at laptop/computer na ginagamit upang mas mapadali ang paggawa nila ng report at upang makatulong sa mga estudyante.

“Most of them po ay merong free printing services na open for students even last year pa. Kasama kasi iyon sa na-ibudget ng karamihan sa amin for 2019, ito ay ang makabili ng printer at laptop/computer then provide these services for free and for some ay exchange for plastic bottles,” dagdag niya.

Nasabi pa ni Ong na para sa budget sa taong ito, kasama na ang office supplies at maintenance ng mga proyekto na ‘free printing’ gaya ng pambili ng bond paper at ink.

Para sa mga nangangailangan ng serbisyong ito, lalo na sa mga graduating college students na nagte-thesis, maaaring padalhan ng mensahe sa pamamagitan ng text, personal o sa Facebook messenger ang mga sumusunod na SK Chairperson para sa mga estudyanteng gustong mag-avail ng serbisyo:

Si Alvin Montero para sa Barangay Ag-agrao; Leslie Bnz para sa Barangay Baballasioan; Denver Mendoza Guerzon para sa Barangay Butir (can print in short bond paper only); Dinalyn Villalba Ringor Acosta para sa Barangay Cabaroan; Jeremy Jhem AgpaLo  para sa Barangay Dunglayan; Jaylord Hidalgo Velasco para sa Barangay Laslasong Norte; Dennis Defiesta Calera para sa Barangay Laslasong Sur; Cacaie Cabbab para sa Barangay Laslasong West; Joy Dollente para sa Barangay Nalvo; Jerome Pader Dela Cruz para sa Barangay Tangaoan (for photocopy services only); Vlazy Ann Velasco  para sa Barangay Poblacion Sur; at para sa Barangay Poblacion Norte ay sumangguni kay Ong mismo.

Ani Ong, hindi rin madali ang pagsasakatuparan ng proyektong ito.

“Challenge 'yung hanggang saan kakayanin nung supplies namin and paano pa mas mapapaabot sa mga estudyante itong programa na ito kasi syempre hindi naman lahat may Facebook account,” sabi niya.

Gayun pa man, nangingibabaw pa rin ang hindi mapapantayang determinasyon ng mga kabataan na tumulong sa kanilang kapwa.

“What we all have in common is being compassionate, dedicated and committed to our responsibility which is to be at service to the youth. I admire how they have their own unique ways to help the youth in their barangays as well as others who are in need of their service,” pagpapaliwanag ni Ong.

Bukod sa ‘free printing’, marami nang naitulong ang mga SK sa kani-kanilang nasasakupan.

“For the Federation, we have distributed last month ng chicken, pork, half tray eggs, and coffee for the 33 barangays' frontliners and we automatically closed all our plaza’s basketball rings,” ikinuwento ni Ong.

Maliban dito, namigay ng relief goods ang SK sa Barangay Ag-Agrao para sa mahigit 300 na pamilya gayun din ang SK sa Barangay Poblacion Sur.

Tiktok challenge naman ang pinauso ng SK sa Barangay Butir.

Limang libong pisong halaga ng gamot naman ang pinamigay ng SK sa Barangay Gusing.

“Ang SK naman sa Poblacion Norte, inilunsad namin ang ‘Dear Heroes, Project’ wherein we encouraged kids, adults na magsulat or mag-draw for our frontliners and we also distributed relief goods for 283 households at patuloy ang pag-render ng duty ng ating SK sa kani-kanilang barangay,” dagdag niya.

Hindi matatawaran ang serbisyong ibinibigay ng kabataan sa bayan ng Sta. Maria, kaya naman mensahe ni Ong sa kanila na maging gabay at ‘helping hand’ sa mga magulang, guro at ng mga nasa komunidad upang maituro ang tamang daan sa mga kabataan.

Mensahe ni Ong sa kaniyang kapwa youth leader, “This trying times is where our leadership is expected to rise above all the odds. We are the embodiment of every youth in our nation which can make a change through leadership and service. As millennials, technological advancements is one of our platforms in serving the youth and helping them in this time of pandemic. Also, being creative in encouraging our constituents to be productive during this time is expected from us. For this crisis shall not hinder us in helping the youth to learn, enjoy and be motivated in doing something that can mold them or their talents.”

Pinaalala rin niya na ang kanilang purpose bilang isang organisasyon ay magsilbi hindi mapagsilbihan.

Hinikayat niya ang mga ito na isapuso at gawin ang kanilang mga ipinangako na magbigay ng serbisyong hindi mapapalitan ng kahit ano man.

Dagdag ni Ong, “Maraming salamat sa inyong sipag, pagsasakripisyo, at higit sa lahat serbisyo hindi lamang sa mga kabataan pero sa lahat ng inyong nasasakupan. Ako ay humahanga sa inyong lahat! Nawa’y ang pagsubok na ito ay isang pagkakataon para tayo ay mahubog pa bilang isang batang lider at matutong maging matatag sa panahon ng krisis.”

Ang mga proyektong ito ang nagpapatunay na ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.

Gaano man kaliit o kalaki ang epekto ng isang proyekto, basta ito’y nagmula sa kagustuhang makatulong sa kapwa, mararamdaman at tatatak ito sa puso’t isipan ng bawat matutulungan nito.