Kagawad, 2 kasama tinodas sa Sta. Rosa City

June 05, 2019

NASAWI ang dating Bgy. Kagawad gayundin ang dalawa pa habang sugatan naman ang isang walong buwang sanggol na lalaki matapos paulanan ng bala ng hindi kilalang mga salarin sa Dita Rotonda, Bgy. Dita, Sta. Rosa City, Laguna , kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat , kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Nestor Rosario Callanga, dating Bgy. Kagawad at kasalukuyang nakatalaga bilang hepe ng tanod sa lugar, biyenan na  si Carlos Caraan Manimtim at tanod na si Milencio Cueno Patapat, pawang mga residente ng nasabing lugar.

Samantala, sugatang isinugod sa pagamutan ang anak ng biktimang si Callanga na si Carl Gabrielle, edad 8 buwan, matapos magtamo ng tama ng bala sa katawan.

Sa inisyal na pagsisiyasat, naganap dakong alas -8:30 ng umaga  ang insidente habang papasakay  sa kanyang kotse ang biktimang si Callanga mula sa tirahan ng kanya umanong kinakasama, kasama ang biktimang si Patapat nang biglang sumulpot ang mga suspek sakay sa isang van at motorsiklo bago pinaulanan ang mga ito ng bala.

Agad  binawian nang buhay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Patapat samantalang ang magbiyenan na sina Callanga at Manimtim ay namatay habang nilalapatan naman ng lunas sa St. James Hospital.

Samantala, patuloy ang isinasagawang manhunt operation ng pulisya sa tumakas na mga suspek lulan sa nabanggit na mga sasakyan patungo ng kabayanan kung saan inaalam pa rin aniya ng mga ito ang posibleng motibo sa krimen.