Karambola ng 9 sasakyan sa Lipa, 13 ang sugatan

LABING-DALAWANG pasahero at isang jeepney driver ang grabeng nasugatan sa naganap na karambola ng siyam na sasakyan sa kahabaan ng highway sa Bgy. Marawoy, Lipa City, Batangas Linggo ng hapon, ayon sa report ng pulisya.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ni PLtCol. Ramon L. Balauag at mga tauhan niya sa nasabing sakuna.

Base sa inisyal na imbestigasyon dakong alas-2:30 ng hapon ang Isuzu truck na minamaneho ni Patrick Perillo ay tinatahak ang nasabing highway patungong Bgy. Sabang nang mawalan ng control at banggain ang isang Honda Civic na nakaparada sa gilid ng kalye.

Tinumbok pa rin ng truck ang isang pampasaherong jeepney na minamaneho ni Dennis Mantuano na sumalpok naman sa likurang bahagi ng isa pang jeepney na minamaneho naman ni Bernardo Natividad na tumatakbo sa dakong unahan nito.

Ayon sa mga imbestigador patuloy pa rin ang takbo ng nasabing truck at inararo naman nito ang limang tricycle na nakaparada sa kabilang bahagi ng kalye malapit sa Floral Garden cemetery sa nabanggit na lungsod.

Mabilis na isinugod si Mantuano at ang mga duguang biktima sa Metro Lipa Medical Center.