Katutubo iwasan ang alok ng NPA

Ipinanawagan ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP sa mga katutubo sa Nueva Ecija na iwasan ang panghihikayat ng New People’s Army (NPA).

Ayon kay NCIP Provincial Officer Dr. Donato Bumacas, walang maidudulot na mabuti at tiyak na gagamitin lamang ang mga katutubo sa pagdaragdag pwersa ng mga grupong nakikipaglaban sa gobyerno.

Aniya, sila ang target na maakay dahil sa kanilang pamumuhay na malayo sa kabihasnan lalo ang mga naninirahan sa kabundukan.

Naninindigan din si Bumacas na sa Nueva Ecija ay walang katutubong miyembro ng NPA bagkus ay mayroong kahirapan sa kanilang pamumuhay.

Hindi aniya militarisasyon ang nakikitang solusyon kundi ang pagpapadaloy ng mga programa at proyektong tutugon sa pag-unlad ng sektor.