Home>News>Provincial>Konstruksyon ng NMIA sa Oktubre tuloy na

Konstruksyon ng NMIA sa Oktubre tuloy na

MALAKI ang maitutulong ng nakakasa nang pagsisimula ng konstruksyon ng New Manila International Airport (NMIA) sa Oktubre sa pagbawi ng industriya ng turismo hindi lamang ng Bulacan kundi maging ng bansa.

Iyan ang tinuran ni Eduardo Raoul C. Romulo, chief financial officer at treasury head ng San Miguel Holdings Corporation, sa ginanap na Bulacan Business Conference 2020.

Magreresulta aniya sa 30 milyong trabahong panturismo ang NMIA kung saan prayoridad kuhanin ang mga manggagawa at propesyunal na Bulakenyo.

Base sa plano ng San Miguel Aero City Inc., ang konsesyonaryo nitong proyekto, binubuo ng tatlong phases ang proyekto na may kabuuang halaga na 735.6 bilyong piso.

Ang Phase 1 ay inaprubahan na ng Philippine Economic Zone Authority na nagkakahalaga ng P544.5 bilyon na uunahing isakatuparan ngayong Oktubre.

Nakapaloob sa Phase 1 ang konstruksyon ng 16.5 na ektaryang Terminal 1 ng NMIA at paglalatag ng unang dalawang runways.

May haba itong ng 2.6 kilometro at ang isa naman ay 3.5 kilometro na may dalawang taxiways.

Magkakaroon din ito ng tatlong apron na kayang paglagyan ng 180 aircraft gates.

Bukod sa terminal 1, may itatayo namang cargo terminal na may laking 3.5 ektarya.

Isasabay sa pagtatayo ng phase 1 ang konstruksiyon ng walong kilometrong airport expressway na magsisimula sa North Luzon Expressway sa may Marilao papuntang NMIA na nasa barangay Taliptip sa Bulakan, Bulacan.

Sa Phase 2 at Phase 3 ng proyekto na nagkakahalaga ng 76.42 bilyong piso at 114.6 bilyong piso, magiging tatlo na ang airport terminals ng NMIA at makukumpleto na rin ang apat na mga runways.

Kapag natapos ang kabuuan ng proyekto sa pagitan ng taong 2025 at 2026, kaya nitong makapaglulan ng 105 na mga eroplano kada oras at makakapagserbisyo sa 100 milyong pasahero.

Kaugnay nito, ayon pa kay Romulo, kabilang sa mga pangunahing paghahanda sa nalalapit na aktuwal na konstruksyon nitong NMIA, ay ang paghuhukay ng mga kailugan sa paligid ng Bulakan, Bulacan.

Sinimulan ito sa pamamagitan ng paghuhukay ng ilog ng Tullahan sa Valenzuela na nagkakahalaga ng isang bilyong piso na gastos ng konsesyonaryo.

Sa Hagonoy, sinimulan na rin ang pagtatanim ng 25 libong mga Bakawan sa 10 ektaryang dalampasigan sa barangay Tibagin. Bahagi ito ng kabuuang 190 libong mga bakawan na itatanim sa dalampasigan ng Manila Bay dito sa Gitnang Luzon.

Target na makapagparami ng hanggang 100 libong mga Alimango at Alimasag sa mga tinaniman ng Bakawan.

Layunin nito na matiyak ang pagiging flood free ng itatayong NMIA at ang mga kalapit na bayan nito.

Publication Source :    People's Tonight