LTO office sa Batanes, bukas na

October 11, 2019

GOOD News!

Available na ang driver’s license sa probinsiya ng Basco, Batanes, ayon sa Land Transportation Office (LTO).

Sa official press  statement ng agency,  hindi na kailangang maglakbay sa karatig-probinsya ang mga kababayan natin dito.  

Makaakuha na ng Student Permit, Non-Professional at Professional driver’s license sa bagong tatag na LTO Basco District Office sa DPWH Compound, Bgy. Kayvaluganan, Basco sa Kapuluang-probinsya ng Batanes.

Nagsimula nang mag-isyu ng mga lisensya ang nasabing district office noong Huwebes .

Sa katunayan, 17 lisensya ang na-isyu nito.

Saksi si Batanes Governor Marilou H. Cayco sa paglulunsad ng nasabing serbisyo.

Nakapag-isyu na din ng automated Certificate of Registration (CR) at Official Receipt (OR) kahapon.

Tiniyak ni LTO Assistant Secretary Edgar C. Galvante na ang lahat ng serbisyo ng agency ay maibibigay ng nasabing district office, katulad ng pangangailangan ng lisensya sa pagmamaneho, pag-rehistro ng mga sasakyan at pagpapatupad ng mga batas at regulasyong pantrapiko.

Sa ilalim ng pamumuno ni LTO Chief Galvante, patuloy ang pagtatatag ng LTO ng mga opisina sa iba’t-ibang bahagi ng bansa upang maipaabot ang serbisyo ng ahensya sa lahat ng sulok ng bansa.

Ito’y bilang pagtalima sa direktiba ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na ilapit ang mga serbisyong gobyerno sa publiko para sa mas maginhawang buhay.

Alinsunod din ito sa direksyon ni Department of Transportation Secretary Arthur P. Tugade na gawan ng paraan upang mabigyan ng kalidad na serbisyo ang lahat ng ating mga kababayan, lalo na ang mga nasa malayo at liblib na lugar na hindi dati nararating ng mga serbisyo ng kagawaran.

Matatandaan na lumipat na ang LTO Sorsogon District Office sa mas malaki at mas pinagandang gusali nito sa Cabid-an, Sorsogon noong ika-8 ng Oktubre 2019.

Nagbukas din ang LTO Bantayan Island Extension Office sa munisipalidad ng Santa Fe sa Visayas noong ika-5 ng Agosto 2019.

Binuksan naman noong ika-8 ng Agosto 2018 ang LTO Bongao District Office sa lalawigan ng Tawi-Tawi.

Pangako ng LTO, patuloy nitong ilalapit ang serbisyo sa mga mamamayan, at paiigtingin pa ng ahensya ang paglilingkod upang tiyakin ang kaligtasan sa mga lansangan.