Home>News>Provincial>Lupa gumuho sa Laguna

Lupa gumuho sa Laguna

NAIULAT ang pagguho ng lupa sa Laguna lalo na sa bayan ng Nagcarlan mula sa bundok ng Bgy. Bancuro dala ng bagyong Ulysses.

Maaga namang nagsagawa ng clearing operation ang barangay, pulisya at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa lugar para may madaanan ang mga sasakyan patungo sa mga bayan ng Sta. Cruz, Liliw at Nagcarlan.

Kabilang sa dumanas ng pagbaha ang lungsod ng Calamba bunsod ng walang tigil na pag-ulan.

Naitala sa Bgy. Pansol at Bgy. Dos ang matinding pagbaha kung saan karamihan sa mga residente ay napilitang umakyat sa bubong ng kanilang bahay.

Maraming bayan din sakop ng ika-apat na distrito ng Laguna ang nalubog sa baha kung saan maraming residente ang agarang inilikas at inilagay sa mga evacuation centers

Sa Lapad River na sakop ng Bgy. Bayate Liliw ay nagawa pang mangisda ng ilang residente sa gilid ng ilog para sa karagdagan nilang pang-ulam.

Samantala, nagpalabas ng paalala ang pamunuan ng National Power Corporation (NPC) Caliraya Dam sa bayan ng Cavinti sa pamunuan ng Municipal and Provincial Disaster Action Officers kaugnay ng isasagawa nilang pagpapakawala ng tubig.

Pinaalerto na rin ng mga ito ang lahat ng mamamayan malapit sa lugar dahil umabot na aniya sa 287.72 meters (AMSL) ang water reservoir level dahilan para magpakawala na ang mga ito ng tubig.

Publication Source :    People's Tonight