Mag-asawa pinatay ng lalaking nalipasan ng gutom

December 10, 2018

PATAY ang mag-asawa matapos na pagha-hampasin ng tubo ng isang lalaking umano’y nalipasan ng gutom at kilalang may-sayad sa kanilang lugar kamakalawa sa Bogo, Cebu.

Kinilala ang mga nasawi na sina Erlindo Ortega, 56, at Jose Maria Luz Ortega, 36.

Arestado naman ang suspek na nakilalang si Ramil Pelayo, 44, residente rin ng naturang lugar.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap ’di kalayuan sa bahay ng mag-asawa.

Ayon kay PO3 Marvin Cortes, ng Bogo PNP, patungo sana ang mga biktima sa isang kasiyahan nang biglang harangin ang mga ito ng suspek at walang sabi-sabing pinaghahampas ang kanilang ulo gamit ang isang tubo.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek, subalit naaresto rin ito ng rumespondeng mga alagad ng batas.

Naisugod naman ang mag-asawa sa hospital subalit hindi na nailigtas ang kanilang buhay.