Mekanisasyon sa pagsasaka patuloy na

Patuloy na isinusulong ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech ang paggamit ng makabagong kagamitan sa pagsasaka.

Ayon kay PhilMech Director Baldwin Jallorina, sa paggamit ng mga makinarya ay nai-aangat ang antas ng pagsasaka sa bansa gayundin ay nakatitiyak sa ani’t kita ng mga magsasaka.

Sa pamamagitan aniya nito nagiging mas madali ang gawain mula sa paghahanda ng lupa, pagtatanim hanggang sa anihan. Tumataas din ang kalidad ng mga produkto at bumababa ang gastusin sa sakahan.

Kaniyang ipinahayag na malaking tulong din ang paggamit ng makabagong teknolohiya upang mapababa ang porsyento ng mga nasasayang na butil ng palay o aning produkto na makatutulong sa pagkakaroon ng sapat na pagkain sa Pilipinas.

Ayon kay Dr. Rodolfo Estigoy, hepe ng PhilMech Applied Communication Division, sa bigas pa lamang ay nasa 16 porsyento na mula sa kabuuang ani ang nawawala o nasasayang sa bansa dahil sa maling paraan ng pag-ani o pagpapatuyo ng palay.

Ito aniya ay dahil sa maling panahon ng pag-ani at maling kasanayan sa pagsasaka gaya ang pagpapatuyo ng palay sa mga kalsadahan na ang resulta ay nasasayang o nadudurog ang ibinibilad na palay.

Inihalimbawa pa ni Dr. Estigoy ang paggamit ng combined harvester na pinagsama ang proseso ng pag-ani at pag-giik ng palay na kung susumahin ay nasa 4,400 piso ang natitipid sa gastusin bukod pa kung gagamit ng rice transplanter na makatitipid ng nasa 1,100 piso.  

Ilan aniya sa mga kilalang makinaryang ginagamit sa bansa ay ang hand tractor, four-wheel tractor, thresher, seed cleaner, reaper, drum seeder, power tiller, mechanical dryers, micro-rice mill, at rice milling system.

Sa kabila ng mga ipinakikilalang makabagong kagamitan ay nananatili pa ding malayo ang Pilipinas sa kaunlaran ng mga karatig bansa sa Asya na tumatangkilik sa mga makinarya sa pagsasaka.

Base sa pag-aaral ng tanggapan ay pang-walo lamang ang Pilipinas sa Asya sa lebel ng mekanisasyon sa agrikultura na pinangungunahan ng mga bansang Japan, Korea, at China.

Kung kaya’t ang panawagan ng tanggapan ay tangkilikin at maging bukas ang isipan sa mga pag-aaral at paggamit ng mga makinarya na makatutulong upang lumago ang industriya at kabuhayan ng mga kababayang umaasa sa pagsasaka.