Home>News>Provincial>Mga taga-Liliw nagdaos ng motorcade vs COVID

Mga taga-Liliw nagdaos ng motorcade vs COVID

NANAWAGAN ang mga residente ng One Lowland na nasasakupan ng may sampung barangay sa bayan ng Liliw na huwag pa ring magpabaya matapos magdaos ang mga ito ng motorcade laban sa COVID-19 kamakalawa ng umaga.

Base sa ipinalabas na huling datos ng Liliw Municipal Health Office, lumilitaw na mula sa kabuoang 133 kaso, 11 na lamang aniya ang aktibo sa kasalukuyan.

Nitong nakalipas na ilang araw, naitala ang pagkahawa ng limang miyembro ng isang pamilya sa Barangay Calumpang kung saan kasalukuyang naka-isolate na ang mga ito.

Ito ang dahilan para magkaisa ang lahat ng pamunuan ng barangay sakop ng One Lowland maging si ex-Mayor Cesar Sulibit bilang suporta nito sa kanyang anak na si incumbent Mayor Ericson Sulibit, BPSO, MDDRMO kabilang ang pulisya na magsagawa ng motorcade kasunod ang pamamahagi ng face masks at face shields sa mga residente.

Kaugnay nito, hindi inaasahang maaktuhang walang suot na face mask ang isa sa mga residente sa lugar kung saan agarang pinagsabihan ito ng mga pulis na sumunod sa health protocol kasunod ang paghingi nito ng paumanhin.

Mahigpit na ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask at face shield maging ang pananatili ng 1-2 metrong layo sa bawat isa (social distancing) ayon na rin sa ipinalabas na pambayang ordinansa habang may multa na halagang P500 sa sino mang lalabag dito.

Kung may mahuhuli naman na menor de edad, pananagutan ito ng kanilang mga magulang o ang tumatayo nilang guardian.

Kinabibilangan ng Barangays Bayate, Cabuyew, Calumpang, Dagatan, Daniw, Dita, Ibabang Palina, Malabo Kalantukan, Mojon, at San Isidro ang nasabing One Lowland na pawang nagkaisa laban sa pandemya.

Publication Source :    People's Tonight