Negosyante binaril ng lasing na Abra bgy chief

August 28, 2019

PATAY and dalawang tao kabilang ang isang negosyante matapos na barilin ng kapitan ng barangay na umano’y lasing at pilit na pinabubuksan ang bar ng isa sa biktima upang ipagpatuloy ang kanyang pag-inom kahapon ng madaling araw sa Bangued, Abra.

Kinilala ang mga biktima na sina Elpidio Arbadillo Castillo Jr., 49, may-ari ng Disco bar  at  Nonilo Billedo, 31, pawang mga residente ng Barangay Bangbangar  sa naturang lalawigan.

Arestado naman ang suspect na nakilalang si Joel Bayle Mailed, 59, kapitan ng Barangay Calaba, Bangued, Abra.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap kahapon ng madaling araw sa tapat ng Disco bar na pag aari ng biktimang si Castillo na matatagpuan sa Barangay Calaba.

Ayon sa ulat, lasing na nagtungo ang suspect sa naturang lugar at pilit na pinabubuksan ang bar dahil nais pa umanong uminom nito.

Gayunman, sinabi ni Castillo na sarado na ang kanyang bar at hindi na ito maaaring buksan dahil madaling araw na dahilan upang magalit ang suspect.

Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng suspect at biktima hanggang sa bumunot ng baril si Mailed at pinagbabaril si Castillo at Billedo.

Pagkatapos ng insidente ay mabilis na tumakas ang suspek subalit naaresto ito ng mga rumispondeng pulis.

Isinugod naman sa pagamutan ang dalawang biktima subalit hindi na umabot ng buhay.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawqng imbestigashon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.