New People’s Army harassment sa Department of Environment and Natural Resources checkpoint kinondena

November 15, 2018

BALER, Aurora -- Kinondena ng mga mamamayan ng Aurora ang ginawang pangha-harass ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa checkpoint ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa boundary ng Bgy. Villa na kung saan isang sundalo ang namatay matapos paulanan ng bala ang nasabing checkpoint.

Ayon sa report, nagsasagawa ng routine checkpoint ang militar at  kagawad ng pulisya, kasama ang ilang forest guards, nang magsagawa ng pag-atake ang mga rebelde noong Lunes ng hapon.

Ayon kay Lt. Col. Jose Marie F. Torrenueva, battalion commander ng 91st “Sinagtala” ng Philippine Army (PA), nagtamo ng tama ng bala ang kanyang sundalo sa tagiliran na kaagad nitong ikinamatay.

Hindi naman pina-ngalanan ni Torrenueva ang nasabing biktima sa request daw ng mga kaanak.

Ito na ang pangatlong insidenteng naganap sa pagitan ng government troops at rebeldeng NPA na sa unang pagkakataon simula nang ideklarang “insurgency free” ang Aurora na may naganap na encounter noong nakarang September na dalawang rebelde ang namatay.

Nitong nakaraang buwan ng October, napatay naman ang isang pulis sa isinagawang ambush ng mga NPA sa Bgy. Villa, Maria Aurora.