NPA lider huli sa Surigao

February 17, 2020

ARESTADO ang isang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) na may sampung warrant of arrests sa isang checkpoint kamakailan sa Cagwait, Surigao del Sur.

Nakilala ang naaresto na si Renan Ayad Cantos, nasa hustong gulang at residente ng naturang lalawigan.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 3 Director Police Brig. Gen. Joselito Esquivel,  si Cantos ay naaresto sa isang checkpoint sa national highway ng Sitio Tagmalinao, Bgy. La Purisima, Cagwait, Surigao del Sur.

Batay sa ulat, si Cantos ay dating commanding officer ng Guerilla Front 8 at Guerilla Front 14 ng Communist Terrorist Group ng North Eastern Mindanao Regional Committee.

Nahaharap si Cantos sa kasong murder, multiple attempted murder, multiple attempted homicide, kidnapping and serious illegal detention, robbery with violence at arson.

Matagal na umanong pinaghahanap ng batas si Cantos dahil sa mga kasong kinasasangkutan nito.

Kaugnay nito, hinikayat naman ni Esquivel ang publiko na agad na ipagbigay alam sa kanilang himpilan  ang anomang impormasyon na may kinalaman sa mga wanted na miyembro ng CPP-NPA.