Home>News>Provincial>Online buyer arestado sa di pagbayad ng P.6M na pinamili

Online buyer arestado sa di pagbayad ng P.6M na pinamili

ARESTADO ang isang huwad na online buyer sa ikinasang entrapment operation ng mga kagawad ng National Bureau of Investigation (NBI-LAGDO) sa Calamba City, Laguna.

Kinilala ang inarestong suspek na si Anthony Galvez , ng Mabuhay City Subd. Bgy. Mamatid, Cabuyao City, Laguna.

Si Galvez ay inaresto ni NBI-LAGDO ,Chief Atty. Daniel Daganzo sa harap mismo ng isang courier.

Papasakay ng kanyang minamanehong motorsiklo ang suspek habang bitbit ang isang package na naglalaman ng tatlong Michael Kors bag at apat na belt kabilang ang Kirkland vitamins na nagkakahalaga ng mahigit na P22,000 mula sa naturang estabilisimyento ng ikasa ng mga tauhan ni Daganzo ang nasabing operasyon.

Sinasabing inorder ng suspek ang mga produkto sa online seller na si Romulus Magno ng Cabanatuan, City, Nueva, Ecija na matagal na umano nitong ka-transaksiyon.

Sinabi ni Daganzo na nagawang dumulog sa mga ito ang biktima matapos maganap ang ilang magkakasunod nilang transaksiyon ng suspek mula noong nakaraang buwan ng Hulyo kung saan napag-alaman mula sa bangko ng BDO na wala itong ipinadalang payment sa kanyang ibinebentang mga produkto.

Pineke pa aniya ng suspek ang ipinadala sa biktima na magkakasunod na proof of payment sa Online Bank Confirmation ng BDO na umaabot sa kabuoang halaga na P624,502 dahilan para agarang maghain ito ng kaukulang reklamo sa NBI.

Nagkasundo ang seller na ipapadala nito by package ang inorder na mga items ng buyer bago nito ipapadala ang payment sa bangko samantalang lingid dito na pawang peke ang ipinasa nitong confirmation mula sa bangko dahil walang pumasok na halaga sa kanyang bank account” ani Daganzo.

Para sa mga online seller, mag-ingat kayo sa pagbebenta ng mga goods, kung magbebenta kayo, siguruhin ninyo na every after transactions iverify ninyo agad sa bank account niyo kung nag credit siya at huwag niyo munang i-shipped out yung goods habang wala pa yung bayad“, ang panawagan ni Daganzo.

Kasong estafa o violation of Article 315 of RPC in Relation to Sec. 6 of RA-10175 ang isinampang kaso ni Daganzo laban sa suspek habang ang kinakasama nitong si Aira Mae Alcala ay patuloy pa ring nakalaya.

Publication Source :    People's Tonight