Home>News>Provincial>‘Over Billing’ ng MORE POWER Itigil

‘Over Billing’ ng MORE POWER Itigil

Sobrang singil umaabot sa P20-M kada buwan

UMAABOT sa mahigit P20 milyon kada buwan ang umano’y singil ng power distributor na More Electric and Power Corporation (MORE) mula sa mga consumers sa Iloilo dahil sa paniningil ng sobra-sobra sa minamandatong 6.25% cap ng Energy Reegulatory Commission (ERC).

Sa virtual press conference noong Biyernes, sinabi ng dalawang opisyal ng Koalisyon Bantay Kuryente (KBK), isang consumer rights advocacy group, na nagsampa na sila ng reklamo sa ERC kontra sa MORE Power makaraang matuklasan nilang higit sa itinatakda ng ERC ang sinisingil na systems loss charge ng nasabing kumpanya mula sa mga consumers sa Iloilo. Tinatayang P20.9 milyong ang sobrang sinisingil ng MORE kada buwan.

Ang sobrang singil, anang KBK, ay galing sa kahina-hinalang systems loss charges na ipinapataw ng MORE at makikita sa mismong electricity bills na kanilang ibinibigay sa kanilang customers. Sa computation na iprinisinta ng KBK, makikitang umabot sa P13-M ang systems loss charges na ipinataw noong Mayo at tinatayang 7.7-M noong Hulyo. Walang computation para sa buwan ng Hunyo dahil wala ring inilabas na billing ang MORE para sa nasabing buwan, sa hindi pa malamang dahilan.

“Dapat gamitin ng ERC ang kanilang kapangyarihan laban sa MORE at imbestigahan ang mga iregularidad na ito. Lahat ng sinasabi n aming mga reklamo sa systems loss at power outages ay galing mismo sa datos ng MORE Power. Ito ay galing mismo sa kanilang Facebook pages at electricity bills,” ani PECO Head of Public Engagement and Government Affairs Marcelo Cacho.

“Patuloy ang pagtanggi ng MORE at nag-aakusa pa na dinoktor daw ang mga numero na inireklamo laban sa kanila subalit galing ito mismo sa kanilang Facebook pages at ang screen shots ay ipinarating sa ERC,” dagdag pa ni Cacho.

Ikinumpara naman ni PECO Legal Counsel Atty. Star Elamparo ang isyu ng PECO sa katulad na problema ng MERALCO na binantaan ni Sen. Sherwin Gatchalian na maaaring bawian ng prangkisa dahil sa pagsuway sa mga alituntunin ng ERC. Mas matindi pa umano ang lantarang pagsuway sa ERC guidelines na umano’y ginagawa ng MORE Power at kapag napatunayan ang mga ito ay hindi malayong bawian din ito ng prangkisa.

“Kapag napatunayan ng ERC na nag-overcharge nga ang MORE Power, dapat itong ituring na isang malalim na paglabag sa kanilang patakaran at dapat itong busisiin ng Kongreso para sa posibleng pagbawi ng prangkisa,” ani Elamparo.

“Hinihiling natin sa ERC na kumpirmahin ang mga alegasyong ito laban sa MORE Power at kapag napatunayan ang mga ito, wala itong ipinagkaiba sa lantarang pagnanakaw mula sa mga consumer ng Iloilo na tinatayaang aabot sa P200 milyon kada buwan,” dagdag pa niya.

Nang tanungin hinggil sa statement ng ERC na nagsasabing ang MORE Power ay sumunod naman sa systems loss cap, idiniin ni Elamparo na maraming cover-up at panlilinlang na ginagawa ang MORE at may pattern na umano ito tulad ng pagsisinungaling sa power outage data at higit laluna sa systems loss computation.

Ayon naman kay Cacho, laging ipinagyayabang ng MORE Power na sila ang “rightful power distributor” sa Iloilo subalit tuwing nahaharap naman umano sa problema ay ibubunton nila ang sisi sa PECO.

“Nang magsimula ang outages, sinisi nila kami dahil daw sa sira-sira mga equipment. Nang ang mga consumers ay magreklamo tungkol sa kanilang kapalpakan na ma-deliver ang bills, sinisi rin kami. Meron silang anim na buwan para ayusin ang mga problemang ito, problemang sila naman sa sarili nila ang gumawa subalit mas pinipili nilang sisihin ang PECO kaysa lutasin ang problemang sila rin naman ang may gawa,” ani Cacho.

Anim na buwan na simula nang magsagawa ng forcible corporate take-over ang MORE Power sa mga pasilidad ng PECO at magmula noon ay nagsimula na rin ang kalbaryo ng mga electricity consumer sa Iloilo dahil sa walang patid na brownout, overcharging sa singil sa kuryente at pangkalahatang palpak na serbisyo na, anang mga consumer, ay nagpapatingkad sa katotohanang walang kakayahan ang MORE Power upang patakbuhin ang power distribution sa nasabing lungsod.

Publication Source :    People's Tonight