Home>News>Provincial>P100M quarantine facility para sa seafarers binuksan sa Orion

P100M quarantine facility para sa seafarers binuksan sa Orion

ORION, Bataan — Pinangunahan nina Gov. Abet S Garcia at mga top officials ng Department of Transportation and Communication (DOTr) at Philippine Ports Authority (PPA) ang pagbubukas at blessing ng P100-million quarantine facility sa Port Capinpin sa bayan ng Orion.

Ang naturang facility ay nakalaan para sa mga umuuwing seafarers na dumadaong sa Port Capinpin habang sila ay naghihintay ng resulta ng swab test upang masiguro ang kaligtasan nang lahat bago pa sila umuwi sa kani-kanilang mga pamilya.

Sinabi ni Garcia na ang proyekto ay bunga ng pagtutulungan ng PPA, DOTr, pamahalaang lokal ng Orion at Lopez Group of Companies na nagbigay ng ambulansya bukod pa sa P100-million tulong pinansyal upang maitayo ang nasabing pasilidad na bahagi ng kanilang programa laban sa COVID-19.

Sa kabuuan, mayroon itong 124 bed-capacity, 25 cubicles, nursing stations, hiwalay na ward para sa mga masusuring high-risk patients, common area at mga gamit pang-disinfect.

Mayroon ding hiwalay na container portalet van bilang karagdagang palikuran sa labas ng pasilidad na magagamit ng mga kawani at mga posibleng dadalaw.

Bukod kina Garcia, at Cong. Joet Garcia, ang mga opisyal na dumalo sa nasabing pasinaya ay sina PPA General Manager Jay Santiago, Office for Transportation Security (OTS) Administrator Raul Del Rosario, DOTr Undersecretary for Administrative Service and Inter-Agency Task Force (IATF) Representative Artemio Tuazon, Jr., Assistant Secretary for Procurement and Project Implementation Giovanni Lopez, Assistant Secretary for Maritime Narciso Vingson, Jr. and Assistant Secretary for Communications, Commuter Affairs Goddess Hope, Col. Joel Tampis, Bataan police director; Municipality of Orion Mayor Antonio Raymundo, Jr. at Punong Barangay ng Puting Buhangin Danilo Arsenio.

Sinabi ng gobernador na malaking tulong ang quarantine facility sa mga umuuwing seafarers dahil hindi na sila maghihintay pa sa gitna ng karagatan upang payagan na makadaong at makauwi sa kanilang pamilya.

Nagpasalamat naman si Santiago kina Gov Abet at Cong. Joet sa kanilang suporta na nagbunga sa pagkakatayo sa naturang quarantine facility.

Muli, taos puso po ang aking pasasalamat sa lahat ng mga nagtulung-tulong upang maisakatuparan ang proyektong ito at ibayong pag-iingat sa lahat,” dagdag ng gobernador.

Publication Source :    People's Tonight