Home>News>Provincial>Pagkasira ng dam sinisi sa illegal quarrying

Pagkasira ng dam sinisi sa illegal quarrying

Sta. Cruz River
Ang bahagi ng Sta. Cruz River Irrigation System na nasira dahil sa illegal quarrying na binisita ni NIA adminstration Manager Engr. Romy Lopez kasama ang grupo ng mga magsasaka. Kuha ni GIL AMAN

ISINISISI ng pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) ang pagkasira ng Sta Cruz River Irrigation System (RIS- Diversion Dam) sa umano’y patuloy na illegal quarrying operation sa Bgy. Calumpang ,Liliw, Laguna.

Ito ang mariing ipinahayag ni National Irrigation Administration (NIA) Calabarzon Regional Director Engr. Romeo Lopez ng bisitahin ang lugar kasama ang kanyang mga tauhan at pamunuan ng mga magsasaka.

Nabatid na unang naitala ang pagkasira ng Old Dam noong 2006 kabilang ang malawakang pagbaha dahil sa pagbagsak ng river bed sanhi ng illegal quarrying sa lugar.

Karaniwan aniyang hinuhukay at ibinebenta ng mga residente mula sa laylayan at itaas ng dam ang buhangin at mga grava na karaniwang ginagamit sa mga construction projects.

Dahil dito, matagal na naantala sa loob ng dalawang cropping season ang pagtatanim ng palay ng maraming magsasaka sakop ng limang bayan na kinabibilangan ng Victoria, Liliw, Pila, Sta. Cruz at bayan ng Magdalena matapos bumigay ang lumang Dam.

Ayon pa kay Engr. Lopez, umaabot sa 3,000 ektarya ng palayan ang sinusuplayan ng mga ito ng libreng tubig sa kasalukuyan mula sa itinayong makabagong RIS Dam.

May kabuuang bilang ng nasa mahigit na 1,500 na magsasaka ang patuloy na nakikinabang sa ipinagkaloob na mga benepisyo ng NIA.

Samantala, hindi inaasahang naitala ng muli ang pagkasira ng ginagawang Dam Protection Works sa lugar nitong nakaraang magkakasunod na bagyo dahil sa tuloy tuloy at mabilisang pagbabang muli ng river bed kung saan ginugulan ng mga ito ng umaabot sa mahigit na P31 milyong pisong pondo.

Bukod aniya dito ayon kay Lopez, naitala ang pagkasira ng maraming irrigation facilities (Infrastructure Projects) sa buong Calabarzon na umaabot sa halagang P96 milyong piso kabilang ang palayan na nasa halagang P20 milyon.

Hinggil dito ang muling panawagan ng mga magsasaka at pamunuan ng NIA ang pagpatigil ng illegal quarrying na matagal ng pinangangambahan ng mga ito ng epekto sa pagkasira.

Publication Source :    People's Tonight