Home>News>Provincial>Paglipat sa Batangas jail ng kidnap suspect na timbog sa Mindanao hiniling

Paglipat sa Batangas jail ng kidnap suspect na timbog sa Mindanao hiniling

Kidnap SuspectNOONG Setyembre 19, 2019 pa naaresto sa Tupi, South Cotabato ang most wanted kidnap suspect sa Calabarzon na si Walter de Castro Ozaeta pero hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin itong nasa custody ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa nasabing lalawigan.

Ito ang inirereklamo ng pamilya ng biktima ni Ozaeta sa kasong kidnap-for-ransom kung saan walang inerekomendang pyansa sa kanyang pansamantalang paglaya ang hukuman sa Lipa City na siyang dumidinig sa kaso.

Si Ozaeta, 36, na nagpapakilala rin sa alyas na Mike Macalindong, ay sinasabing residente ng Bgy. Taysan, San Jose, Batangas kung saan ginawa umano ang pagkidnap ng kanyang grupo sa biktimang si Teodoro Ozaeta (tiyuhin ni Walter) sa isang supermarket sa lungsod ng Lipa noong Hulyo 24, 2015.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang biktima ay dinala sa Pangasinan ng mga suspek at doon tinortyur habang nakipagnegosasyon para sa ransom. Kinilala ng mga imbestigador si Water na siya umanong utak ng kidnapping at nagtago na ito matapos magpalabas ang warrant of arrest si acting presiding judge Catherine Morino-Monsod, ng Lipa City RTC Branch 12 noong Disyembre 11, 2018.

Si Ozaeta ay naaresto bandang 4:30 p.m. sa JC Hotel and Convention Center sa Bgy. Poblacion, Tupi, South Cotabato habang hinihintay umano ang kakausapin nya tungkol sa operasyon ng Small Town Lottery na si Gov. Reynaldo Tamayo, Jr. na siya ring may-ari ng nasabing hotel.

Mismong si Tamayo umano ang nagtimbre sa mga kapulisan hinggil sa pagdating ni Ozaeta sa kanyang hotel nang kanya umanong malaman na ang taong kakausap sa kanya tungkol sa larong STL ay isa palang most wanted kidnap suspect sa rehiyon ng Calabarzon.