Pinalagan ni Gamboa si VP Leni

February 17, 2020

PINALAGAN ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Gamboa ang naging pahayag ni Vice President Leni Robredo na umano’y pinuprotektahan o pinagtatakpan nito ang mga pulis na kasama sa narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Gamboa walang batayan ang  pahayag ni Robredo dahil ang totoo aniya ay umuusad na ang imbestigasyon laban sa 357 pulis na kasama sa listahan.

Nilinaw ni Gamboa na lahat ng kasama sa narco list ay isinailalim na sa adjudication process upang matiyak na sangkot nga ang  mga ito sa illegal na droga.

Ang pagpalag ay ginawa ni Gamboa kasunod ng pahayag ni Robredo na may cover-up na nangyayari sa isyu lalo pa at  ayaw umano ng hepe ng PNP na kumpirmahin kung kasama ba talaga sa drug list si Police Lt. Colonel Jovie Espenido, ang poster boy ng Pangulo.

Iginiit ni Robredo na kapag ordinaryong drug addict ay pinapatay agad samantalang kung pulis ang sangkot ay sinasabing may  presumption of innocence.

Idinepensa din ni Gamboa ang kanyang hakbang na nagbibigay ng opsyon sa mga nasa listahan na mag-avail ng early retirement.

Nilinaw ni Gamboa na kahit pa magretiro ng maaga ang mga pulis na kasama sa listahan ay hindi pa rin lusot ang mga ito sa kasong kriminal at kapag napatunayang guilty ang mga ito sa alegasyon ay papatawan pa rin ang mga ito ng parusa.