Home>News>Provincial>Pinaslang na Laguna mayor inilibing na

Pinaslang na Laguna mayor inilibing na

Laguna Mayor Ceasar Perez
Apat na araw ibinurol sa munisipyo ang pinaslang na si Los Baños ,Laguna Mayor Ceasar Perez. Kuha sa Facebook

INIHATID na kahapon, Sabado, sa huling hantungan sa Gardens of Heaven ang labi ni Los Baños Municipal Mayor Caesar Perez.

Nakiisa ang maraming lokal na opisyal, empleyado, iba’t ibang sektor ng lipunan at mamamayan ng Los Baños bilang pakikiramay sa pamilya ni Perez.

Dakong ala 1 p.m. ng idaos ang isang misa sa munisipyo kung saan doon ibinurol ng apat na araw ang mga labi ng mayor para sa public viewing.

Ayon kay Aldous Perez, anak ng biktima, hinihintay pa rin nila ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at NBI kung saan nananatiling blangko pa aniya ang mga ito sa pagkakakilanlan sa mga suspek.

Nakatakda din aniyang maglaan ng pabuya ang kanilang pamilya na aabot sa mahigit na P1 million para sa agarang ikalulutas ng kaso.

Marami din sa mga nagmamahal kay Perez na magsasaka at iba pang sektor ng lipunan ang nagtulong tulong at boluntaryong nagkaloob ng halagang tig P5 at P10 pataas para sa ilalaan nilang pabuya.

Ipagkakaloob ang reward money kapag sinampahan na ng kaso at masesentensiyahan na ang suspek, ani Aldous.

Samantala, nakatakdang makipag-ugnayan si Aldous sa pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos mapaulat sa isang pahayagan na nasa kanilang listahan ang kanyang ama at tuloy maging malinaw aniya ang lahat ng mga pangyayari.

Umaasa pa rin ito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang isinagawang panawagan na matutulungan ang kanilang pamilya para maresolba ang kaso.

Publication Source :    People's Tonight