Home>News>Provincial>Pugante huli matapos ng 1 taong pagtatago

Pugante huli matapos ng 1 taong pagtatago

ARESTADO ang 42-anyos na pugante sa pangalawang pagkakataon makaraan ang halos isang taong pagtatago sa batas na pumuga mula sa Sta. Cruz Laguna PNP Custodial Cell sa operasyon na isinagawa ng kagawad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Manila District Field Unit at Sta. Cruz police sa San Andres Bukid,Maynila.

Natukoy sa pamamagitan ng isang impormante, ang pagaresto kay Peter Alcantara, construction worker, tubong Bgy. San Pablo Norte, Sta. Cruz, Laguna.

Si Alcantara ay nahaharap sa kasong murder.

Sa report ng pulisya , nagawang tumakas ng suspek noong ika-23 ng buwan ng Enero ng nakaraang taon dakong 3 p.m, habang abalang abala umano ang nakatalagang jail guard sa pagpapadala ng mga preso sa kanilang court hearing.

Nagawa nitong makapagtago sa batas sa kanyang mga kaanak sa lungsod ng Maynila sa kabila ng nahaharap ito sa kasong murder.

Samantala, hindi naman inaasahang matunugan ng pulisya ang pinagtataguan ng suspek kung saan agarang nagkasa ang mga ito ng Manhunt Charlie sa lugar kasunod ang isinagawang pag-aresto ng mga tauhan ni PLt. Chitadel Gaoiran at kagawad ng CIDG.

Magugunitang naganap ang pananaksak ng suspek sa biktimang si Celso Lizarondo noong ika-27 ng buwan ng Nobyembre taon 2019 sa Bgy. San Pablo Norte bayan ng Sta. Cruz dakong alas 10:00 ng gabi habang aktong umiinom ang mga ito kasama ang iba pa nilang kaibigan na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Binawian nang buhay ang biktima matapos magtamo ito ng matinding tama ng saksak sa kanyang sikmura. Mabilis namang naaresto ang suspek ng mga tauhan ni dating Sta. Cruz Chief of Police PLt. Col. Armie Agbuya habang aktong papatakas ang suspek.

Hinggil dito , iniharap ng pulisya kay Sta. Cruz Municipal Mayor Egay San Luis at sa misis ng biktima na si Estrella ang naarestong suspek kasunod ang ipinagkaloob na pabuya na halagang P100 libong piso sa lumitaw na impormante na nakapagbigay ng matibay na impormasyon kung saan matatagpuan ang puganteng si Alcantara.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Sta. Cruz Municipal Custodial Cell para harapin nito ang karagdagan pang kasong isasampa laban sa kanya ng pulisya.

Publication Source :    People's Tonight